Daughters of Saint Paul

HUNYO 30, 2020 – MARTES SA IKA-13 NA LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Mt 8:23-27

Sumakay si Jesus sa bangka at sumunod sa kanya ang mga alagad niya. Walang anu-ano’y nagkaroon ng malakas na bagyo sa lawa at parang matatabunan na ng mga alon ang bangka. Ngunit tulog si Jesus. Ginising siya nila na sumisigaw: “Panginoon, saklolo! Mamamatay tayo!” At sinabi ni Jesus: “Bakit kayo natatakot, kayong napakaliit ng paniwala?” Bumangon siya at inutusan ang mga alon at hangin, at tumahimik ang lahat. Nagulat ang mga tao at sinabi nila: “Anong klaseng tao ito? Sumusunod sa kanya pati mga hangin at dagat.”

PAGNINILAY:

Mula sa panulat ni Sr. Edith Ledda ng Daughters of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo.  Narinig natin sa Ebanghelyo, ang sobrang pagkatakot ng mga alagad nang magkaroon ng malakas na bagyo sa lawa, at halos matatabunan na ng mga alon ang bangkang kanilang sinasakyan. Sumisigaw silang ginising si Jesus, “Panginoon, Saklolo!” Doon, ipinakita ni Jesus ang kanyang kapangyarihan, at inutusang tumahimik ang mga alon at hangin. Mga kapatid, mahalaga sa isang tao ang magkaroon ng malalim na pagkakilala sa Panginoon. Ito ang magsisilbing gabay at tanglaw natin sa ating araw –araw na pamumuhay. Bibigyan tayo ng lakas ng Panginoon sa gitna ng mabigat na pagsubok sa buhay. Kung ang relasyon natin sa tao ay nangangailangan ng panahon, ang relasyon natin sa Panginoon ay binubuo din ng mahabang panahon. Maglaan tayo ng panahon na magbasa ng Biblia. Hindi natin lubusang makikilala si Jesus kung hindi tayo magbabasa ng aklat ng kasulatan. Ang pagbasa ngayon ay isa sa mga bible verses na lagi kung binabalikan, lalo na kapag dumaranas ako, ang aking pamilya ng mabigat na suliranin. Sa aking munting dasal, mula sa puso, binabanggit  ko kay Jesus ang mga katagang ito “Panginoon, huwag mo nawa pong itulot na igupo ako ng suliraning aming nararanasan.” May kakaibang damdamin sa aking puso kung ako’y tumatawag sa Diyos. Nababawasan ang mabigat na pasanin sa puso, nababawasan ang takot, nababawasan ang pag-aalala. Ang buhay natin dito sa mundo ay tulad nga ng manlalayag sa dagat, dapat ay handa tayo sa maaaring mangyari. Lumakas man ang alon sa dagat o dagat ng ating buhay, tumawag tayo sa Panginoon. Kumapit  tayo lagi sa kanya. Amen. Amen.