Daughters of Saint Paul

HULYO 1, 2020 – MIYERKULES SA IKA-13 NG LINGGO NG TAON

EBANGHELYO : Mt 8:28-34

Pagdating ni Jesus sa lupain ng Gadara sa kabilang ibayo, sinalubong siya ng dalawang lalaking inaalihan ng demonyo, na galing sa libingan. Napakabangis nila kaya’t walang makadaan doon. Bigla silang sumigaw: “Ano ang kailangan mo sa amin, ikaw na Anak ng Diyos! Pumarito ka ba para pahirapan kami bago sumapit ang panahon?” Sa may di kalayua’y maraming baboy na nanginginain. Kaya hiniling sa kanya ng mga demonyo: “Kung palalayasin mo kami, ipadala mo kami sa mga baboy.” Sinabi ni Jesus sa kanila: “Umalis kayo.” Kaya pagkalayas ng mga demonyo’y pumasok ang mga ito sa mga baboy—at hayun! nahulog sa bangin ang lahat ng baboy papuntang dagat, at nalunod na lahat. Tumakas naman ang mga nagbabantay sa mga baboy. Pagdating nila sa bayan, ipinamalita nila ang lahat at kung ano ang nangyari sa mga inaalihan ng demonyo. Kaya lumabas ang buong bayan para salubungin si Jesus; at pagkakita nila sa kanya, hiniling nilang umalis siya sa kanilang lugar.

PAGNINILAY:

Mga kapatid, ang magpalayas ng demonyo o exorcism ang isa sa mga ginawa ng Panginoong Jesus nang Siya’y pumarito sa lupa. Nakatala ito sa Mabuting Balita dahil nais ipaalam sa atin ng Panginoon na tunay na mayroong demonyo. Hindi sila kathang-isip at panakot sa mga bata.  Nais Niya ring patunayan na tinalo Niya ang demonyo at ang kanilang pinunong, si satanas. Ang paggapi Niya sa kampon ng kadiliman ang tanda ng pagdating ng Kaharian ng Diyos. Tandaan natin na dalawang bagay ang gustong-gusto ni satanas:  una, ang pagsama at pagsamba sa kanya o satanismo; at ang ikalawa, ang pagtanggi sa katotohanang umiiral siya. Sa panahon natin ngayon, maraming naglipanang kampon ni satanas ang nakapaligid sa atin. Kabilang dito ang ang mga taong manhid na ang konsensiya sa paggawa ng kasamaan – walang takot sa Diyos, at walang takot pumatay ng tao na nilikha ng Diyos; ang mga taong ganid sa kapangyarihan at yaman – gagawin ang lahat ng pananakot, pambubully at paniniil, manatili lang sa poder; ang mga pornographic sites sa internet na lumalason sa puso’t isipan ng mga tao, lalo na ng mga kabataan na mamuhay sa kalaswaan, at marami pang iba. Mga kapatid, napakatusong magtrabaho si satanas. Inaakit tayong mahulog sa kanyang bitag sa pamamagitan ng mga libangan na gustong-gustong natin.  Kaya mahalagang nagdadasal tayo at nagbabasa ng Salita ng Diyos para mabantayan natin ang mapanlinlang na kilos ni satanas sa ating buhay. 

PANALANGIN:

Panginoon, palakasin Mo po ang aking panlabang espiritwal at iadya sa mga gawaing  masama.  Amen.