Daughters of Saint Paul

Hunyo 29, 2017 HUWEBES Ika-12 Linggo ng Taon / San Pedro at San Pablo, mga apostol

 

Gawa 12:1-11 – Slm 34 – Mt 16:13-19

Mt 16:13-19

Pumunta noon si Jesus sa may dakong Cesarea ni Filipo. Tinanong niya ang kanyang mga alagad: “Ano ang Anak ng Tao para sa mga tao?  Sino ako para sa kanila?”  Sumagot sila: “May nagsasabing si Juan Bautista ka; may iba pang nagsasabing si Elias ka o si Jeremias o isa sa mga propeta kaya.”

Sinabi niya sa kanila: “Ngunit sino ako para sa inyo?” At sumagot si Simon Pedro: “Ikaw ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos na Buhay.” Sumagot naman si Jesus: “Mapalad ka, Simon Bar-Yona, hindi nga laman at dugo ang nagbunyag nito sa iyo kundi ang aking Amang nasa Langit.

At ngayon sinasabi ko sa iyo: Ikaw si Pedro (o Bato) at sa batong ito ko itatayo ang aking Iglesya; at hinding-hindi ito madadaig ng kapangyarihan ng kamatayan. Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng Langit: ang itali mo dito sa lupa ay itatali rin sa Langit, at ang kalagan mo dito sa lupa ay kakalagan din sa Langit.”

PAGNINILAY

Sino ako para sa inyo?” Ito ang tanong ni Kristo sa kanyang mga alagad. “Ikaw ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos na Buhay,” tugon ni Pedro.  Ang sagot na ito ni Pedro, mula mismo sa inspirasyon na ipinagkaloob sa kanya ng Ama. Mula din sa inspirasyong ito, isinabuhay ni Pedro ang kanyang nasambit na katotohanan. Pinanindigan niya ang katotohanang ito hanggang sa mga huling sandali ng kanyang buhay.  Sa araw na ito, sabay kay San Pedro, binibigyang pugay din natin si San Pablo. Hindi man nakasama ni San Pablo si Jesus nung buhay pa ito, pero kanya itong nakausap sa daan patungo sa Damasco na siyang nagpabago sa kanyang buhay. Pinatotohanan ito ni San Pablo sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng Mabuting Balita sa mga hentil.  Mga kapatid, kasama tayo sa mga Hentil na nabibiyaan ng pananampalatayang Kristiyanismo dahil sa masigasig na pangangaral ni San Pablo.  Kung may pananalig man tayo ngayon sa Diyos, iyon ay dahil sa mga Apostol na nagpatotoo sa kanilang pananampalataya.  Masigasig sina San Pedro at San Pablo sa kanilang misyon na natapos sa pagmartir sa kanila sa Roma. Habang ipinagdiriwang natin ang kapistahan ng dalawang magigiting na apostol, marapat din na itanong natin sa ating sarili kung sino si Jesus para sa atin. Naniniwala ba tayo sa kanya? Kung gayun, handa din ba tayong magsakripisyo sa ngalan ni Jesus? Handa din ba tayong magbuwis ng buhay para sa kanya?  Manalangin tayo.  Panginoon, kasihan Mo po ako ng Iyong Banal na Espiritu nang matularan ko sina San Pedro at San Pablo sa kanilang masigasig na pagsaksi sa Kristiyanong pananampalataya.  Amen.