Daughters of Saint Paul

HUNYO 4, 2020 – HUWEBES SA IKA-9 NA LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Mk 12:28-34

May isang guro ng Batas na nakarinig sa pagtatalo ni Jesus at ng mga Sadduseo. Nang mapansin niyang tama ang sagot ni Jesus sa mga Sadduseo, lumapit siya at nagtanong kay Jesus: “Ano ang una sa lahat ng utos?” Sumagot si Jesus: “Ito ang una: ‘Makinig nawa, O Israel! Iisa lang ang Panginoong nating Diyos. At mamahalin mo ang Panginoon mong Diyos nang buo mong puso, nang buo mong kaluluwa nang buo mong pag-iisip at nang buong lakas. At pangalawa naman ito: Mamahalin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili. Wala nang utos na mas mahalaga pa sa mga ito.” Kaya sinabi ng guro ng mga batas: “Mabuti, Guro, totoo ang sinabi mong isa Siya at wala na maliban sa Kanya. At nang mahalin Siya ng buong puso, nang buong kaluluwa at nang buong lakas, at mahalin din ang kapwa gaya ng sarilui ay mas mahalaga kaysa mga sinunog na handog at mga alay.” Nakita ni Jesus na tama ang sinabi nito kaya sinabi niya: “Hindi ka malayo sa Kaharian ng Diyos.” At wala nang nangahas magtanong sa kanya.

PAGNINILAY:

Sa Ebanghelyong narinig natin, isang sagot lamang ang inaasahan ng guro ng Batas na nagtanong, pero dalawa ang ibinibigay ni Jesus.  Una, “Ibigin mo ang Diyos nang buong pagkatao – puso, kaluluwa, pag-iisip at lakas.” Tinatawag itong shema sa aklat ng Deuteronomio, isang panalanging kailangang dasalin ng mga Judio nang tatlong beses araw-araw.  At ang ikalawa, “Ibigin mo ang kapwa gaya ng iyong sarili,” mula naman ito sa Aklat ng Levitico.  Kung susuriing mabuti, hindi ito dalawang kautusan kundi iisang Batas lamang.  Dahil hindi maaaring paghiwalayin ang pagmamahal sa Diyos at sa kapwa. Lagi itong magkaugnay!  Paano mo nga naman masasabing minamahal mo ang Diyos, kung napopoot ka sa iyong kapwa? O kung pansariling kapakanan lang ang iniisip mo, at wala kang pakialam sa iba? Halimbawa, ngayong panahon ng covid-19 pandemic, hindi kaila sa atin na maraming taong may pera ang nag-panic buying, nag-imbak ng stocks ng pagkain, alcohol, facemasks at iba pang pangangailangan ng pamilya.  Self-preservation ang unang tugon sa pandemya. Samantalang ang mga walang pera, nagpanic din, dahil walang pambili…o kung meron man, walang nang mabili dahil naubos na ang stocks.  Mga kapatid, sa panahong ito ng krisis, kung saan lahat tayo apektado – mahirap man o mayaman, nakapag-aral o hindi, ano mang relihiyon ang ating kinabibilangan – lahat tayo tinatawagang magtulungan, magkaisa at magmalasakitan para maitaguyod ang buhay. Wag kasakiman at pansariling kapakanan ang pairalin sa panahong ito ng pandemya…bagkus “Pag-ibig sa kapwa, gaya ng sarili!”