Daughters of Saint Paul

HUNYO 6, 2019 HUWEBES SA IKA-7 LINGGO NG PASKO NG PAGKABUHAY

 

EBANGHELYO: Jn 17:20-26

 

PAGNINILAY:

Narinig natin sa Ebanghelyo ang taos-pusong panalangin ni Jesus na maging isa ang mga nananampalataya sa Kanya. At tulad ng lahat ng Kanyang panalangin, nasasakop na tayo sa tinutukoy Niya – ibig Niyang tayo’y maging isa bilang isang sambayanang Kristiyano.  Na sa kabila ng ating pagkakaiba-iba ng prinsipyo at pinahahalagahan, tayo’y maging isa. Magagawa natin ito kung maging bukas lamang tayong tanggapin at igalang ang ating pagkakaiba-iba sa tulong na rin ng Banal na Espiritu.  Ito ang diwa ng ating pagiging katawan ni Kristo.  Sinabi nga ni San Pablo sa mga taga Corinto na“Iba’t iba ang kaloob, ngunit isa lamang ang Espiritung nagkakaloob. Iba’t ibang paraan ng paglilingkod, ngunit isa lamang ang Panginoong pinaglilingkuran.  Iba’t iba ang gawain, ngunit iisa lamang ang Diyos na gumagawa ng lahat ng bagay para sa lahat.”  Kaya pagsikapan nating mag-unawaan, magbahaginan ng mga kakayanan, at magmahalan ng walang kundisyon bilang iisang Katawan ni Kristo.  Sa diwa ng panalangin ni Jesus, ganito sana ang lagi nating idalangin:  Ama, tinitipon Mo kaming Iyong mga Anak sa Iyong Simbahan, upang maging isa tulad ng Iyong pagiging isa sa Iyong Anak at sa Espiritu Santo.  Tinawag Mo kami upang maging Iyo.  Ginawa Mo kaming Katawan ng Iyong Anak na si Kristo at maging tahanan ng Iyong Banal na Espiritu.  Pinupuri ka namin sa diwa ng pagkakaisang ito.  Amen.