Daughters of Saint Paul

HUNYO 7, 2019 BIYERNES SA IKA-7 LINGGO NG PASKO NG PAGKABUHAY San Landulfo

 

EBANGHELYO: Jn 21:15-19

 

PAGNINILAY:

Mga kapatid, di ba’t ang pagpapatawad, muling pagtitiwala?  Tulad sa narinig nating Mabuting Balita, ipinakita ni Jesus ang pagpapatawad Niya kay Pedro sa muli Niyang pagtitiwala sa kanya.  Sinimulan Niya ng makaitlong pagtatanong kung minamahal Siya ni Pedro.  At bilang pagpapahayag, na muli Niya siyang pinagkakatiwalaan, pinanibago ni Jesus ang Kanyang dating naging pangako.  Kung natatandaan natin, di ba itinayo ni Jesus ang Kanyang Sambayanan sa ngalan ni Pedro, at ibinigay Niya sa Kanya ang susi ng Langit?  At sa tagpong ito, itinalaga ni Jesus si Pedro na:  “Pakainin mo ang aking tupa.”  Tunay na sa oras na tinawag tayo ng Panginoon para sa isang tungkulin, kahit na marami tayong pagkukulang, hindi Niya ito babawiin.  Halimbawa, ang pagiging ama o ina ng tahanan, ang pagiging pari, at mga relihiyoso at mga madre, tulad namin.  Binibigyan Niya tayo ng pagkakataon para muli nating panibaguhin ang ating tinanggap na tungkulin.  Isa itong pagpapanibago ng ating “Oo” araw-araw na gampanan ang ating tungkulin ayon sa kalooban ng Diyos.  Kung magkulang man tayo at magkasala, hindi Siya nagsasawang magpatawad at magtiwala dahil Siya’y Diyos ng Habag at Pag-ibig. 

 

PANALANGIN:

Panginoon, marapatin Mo pong mapahalagahan ko ang tungkuling ipinagkatiwala Mo sa akin.  Magampanan ko nawa ito nang buong pagtatalaga at pagmamahal. Salamat po sa patuloy na pagtitiwala sa akin sa kabila ng aking kahinaan at kasalanan.    Amen.