Daughters of Saint Paul

HUNYO 6, 2020 – SABADO SA IKA-9 NA LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Mk 12:38-44

Sinabi ni Jesus sa kanyang pagtuturo: “Mag-ingat kayo sa mga guro ng Batas na gustong lumakad na nakabarong at batiin ng mga tao sa liwasan, at mabigyan ng pangunahing lugar o upuan sa mga handaan at sa sinagoga. Nang-uubos sila ng mga bahay ng mga biyuda, at nagdarasal nang mahaba para may idahilan. Napakatindi ng magiging hatol sa mga ito.” Naupo si Jesus sa tapat ng kabang-yaman at tiningnan ang paghuhulog ng mga tao ng pera para sa Templo. At may dumating na isang pobreng biyuda nang maghulog ng dalawang barya. Kaya tinawag ni Jesus ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanila: “Talagang sinasabi ko sa inyo na pinakamahalaga sa lahat ang inihulog ng biyudang ito sa kabang-yaman. Naghulog nga ang lahat mula sa sobra nila ngunit siya nama’y mula sa kanyang kasalatan. Inihulog nga niya ang lahat ng nasa kanya—ang mismong buhay niya.”

PAGNINILAY:

Mula sa panulat ni Fr. Vic Rey Duron ng Society of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo.  Sa Aklat na “The Little Prince” may pahayag doon na “What is essential is invisible to the eye”. Kadalasan napapansin natin at napapahalagahan, kung ano ang makikita lang ng mata. Pinupuna lang natin ang mga bagay na siyang “obvious” at madaling makita ng mata. Pero nakakaligtaan at naisasawalang bahala natin, ang mga bagay na hindi nakikita ng mata, na kalimitan siyang mahalaga at dalisay. Nakasanayan nating pansinin ang nakikita sa kilos at galaw ng katawan, pero hindi natin sinusuri ang galaw at takbo ng puso at isipan na siyang luklukan ng katotohanan at kabutihan. Kaya pinapaalalahanan tayo ni Hesus “Mag-ingat kayo sa mapanlinlang at mapagkunwaring pagtulong o paggawa ng mabuti. Pakitang tao lamang at papuri ang layunin ng mga ganitong pagkilos! Bagkus, sikapin ninyong tumulong ng lihim at tago lamang dahil ito ay mula sa kabutihan ng puso. Mga kapatid, sa panahon ito ng Covid 19, madami ang nangangailangan ng tulong at marami din ang tumutulong. Pero, pakakatandaan ang tunay na layunin at motibasyon ng pagtulong. Para lang ba mang-impress, maging sikat at magmukhang matulungin at may ginintuang puso? O makasagip at makarugtong ng buhay ng iba ang tunay na layunin ng pagtulong? Paalala pa ng Panginoong Hesus, huwag mong hayaang malaman ng kanang kamay ang ginagawa ng kaliwa… Kaya mga kapatid, sikapin nating gawing banal at sagrado ang pagtulong… Nalalaman ng Diyos ang tunay nating motibasyon sa bawat pagtulong. Kaya hindi man makikita ng mata, pero nararamdaman ng pusong nagmamahal.