Daughters of Saint Paul

HUNYO 7, 2020 – LINGGO NG DAKILANG KAPISTAHAN NG BANAL NA SANTATLO (A)

EBANGHELYO: Jn 3:16-18

Sinabi ni Jesus kay Nicodemo, “Ganito nga kamahal ng Diyos ang mundo! Kayat ibinigay niya ang kanyang bugtong na anak upang hindi na mawala ang maniwala sa kanya magkaroon nga siya ng buhay na walang hanggan. Hindi nga sinugo ng Diyos sa mundo ang Anak upang hukuman ang mundo kundi upang maligtas ang mundo sa pamamagitan niya. Hindi hinahatulan ang naniniwala sa kanya. Ngunit hinatulan na ang hindi naniniwala sapagkat hindi siya naniniwala sa Ngalan ng bugtong na Anak ng Diyos.”

PAGNINILAY:

Mula sa panulat ni Fr. Paul Marquez ng Society of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo. Sa pagdiriwang natin ng dakilang kapistahan ng Banal na Santatlo ngayong Linggo, importanteng malinaw sa bawat Katoliko na ang saligan ng ating pananampalataya – ang isang Diyos na may tatlong persona – na ibinunyag mismo sa atin ni Jesucristo. Nang pumanaog siya dito sa lupa, ipinakilala niya ang kanyang Ama na nasa langit. Hindi isang malupit na hukom ang kanyang Ama kundi tanging pag-ibig lamang ang hangad nito para sa tao. Sa pagpapakilala ni Jesus sa Ama, ibinunyag ni Jesus na siya ang bugtong na Anak ng Diyos na labis na minamahal nito. “Ganito nga kamahal ng Diyos ang mundo! Kaya’t ibinigay niya ang kanyang bugtong na anak upang hindi na mawala ang bawat nananalig sa kanya kundi magkaroon ng buhay na magpakailanman.”  Ang bunga ng pagmamahalan ng Ama at ng Anak ay ang Espiritu Santo. Sa pamamagitan ng Espiritu Santo patuloy nating nakakamit ang pangakong buhay mula sa Ama. Ang Espiritu ng Diyos ang tumutulong sa ating pagsisikap na umiwas sa masama at pumili ng mabuti. Ang Ama na lumikha ng sanlibutan ang patuloy na bumubuhay sa tao. Ang Anak na nagligtas sa sanlibutan ang patuloy na nagsasalita sa atin at nagbibigay ng kanyang sarili para magkaroon tayo ng lakas at pag-asa. Mga kapatid, magkakaiba pero magkakaugnay ang papel na ginagampanan ng Santatlo sa buhay natin. Inaanyayahan tayo ng Banal na Santatlo na masdan ang patuloy na paglikha ng Ama, ang pagliligtas ng Anak at ang pagpapabanal ng Espiritu Santo sa mga miyembro ng ating pamilya at pamayanan na sama-samang nagtataguyod sa araw-araw nating pamumuhay.