Daughters of Saint Paul

HUNYO 8, 2020 – LUNES SA IKA-10 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Mt 5:1-12

Nang makita ni Jesus ang makapal na tao, umahon siya sa bundok. Naupo siya roon at lumapit sa kanya ang mga alagad. At nagsimula siyang magturo sa kanila: “Mapapalad ang mga may diwa ng dukha sapagkat sa kanila ang Kaharian ng Langit. Mapapalad ang mga di marahas sapagkat mapapasakanila ang lupain. Mapapalad ang mga nagugutom at nauuhaw sa katarungan sapagkat bubusugin sila. Mapapalad ang mga maawain sapagkat kaaawan sila. Mapapalad ang may busilak na puso sapagkat makikita nila ang Diyos. Mapapalad ang mga nagpupunyagi para sa kapayapaan sapagkat tatawagin silang mga anak ng Diyos. Mapapalad ang mga pinag-uusig dahil sa katarungan sapagkat kanila ang kaharian ng langit. Mapapalad kayo kung iniinsulto kayo at pinag-uusig at sinisiraang-puri dahil sa akin. Magsaya kayo at magalak sapagkat malaki ang gantimpalang nasa Diyos para sa inyo. 

PAGNINILAY:

Mula sa panulat ni Sr. Reajoy San Luis ng Daughters of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo.  Kung iisipin lang natin ang matinding epekto ng pandemyang COVID19 lalo na sa kasagsagan ng pagkalat nito, di ba, sobrang nakakalungkot at mabigat sa pakiramdam? May mga nagsasabi pa nga —ang malas ng taong nagkasakit nito! Pero, iba ang sinasabi sa atin ng Mabuting Balita ngayong araw na ito. Sa mga nakakaranas ng kalungkutan, pagdadalamhati, paghihirap – pisikal man o emosyonal, aba, sila daw ay mapapalad, sabi ni Jesus. Parang kaiba ‘no? Kaiba talaga ang panuntunan ni Jesus sa pagiging mapalad ng isang tao. Kasi kung mapapansin natin, kung meron mang magandang pinatunguhan ang pangyayaring ito?… ito ay ang paglapit o pagbabalik-loob sa Diyos. Ang pagkilala sa Diyos bilang pag-asa, liwanag at tanging Tagapagligtas natin. Sa madaling salita— sa ating kahinaan, lalo tayong napapalapit sa Diyos na Mapagmahal at Makapangyarihan sa lahat. At wala nang mas hihigit pang mahalaga sa biyaya at paanyayang ito ng Diyos sa atin. Kaya’t sana, wag tayong bumitiw ha? At wag din nating sayangin ang pagkakataong maipahayag sa mga hindi pa nakikita ang liwanag, sa gitna ng kadiliman ng buhay—- ang patuloy na pagtiwala sa pangako ng Diyos nang sinabi niya na: “Magalak kayo at magsaya sapagkat malaki ang inyong gantimpala sa langit.”