Daughters of Saint Paul

HUNYO 7, 2021 – LUNES SA IKA-10 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Mt 5:1-12

Nang makita ni Jesus ang makapal na tao, umahon siya sa bundok. Naupo siya roon at lumapit sa kanya ang mga alagad. At nagsimula siyang magturo sa kanila: “Mapapalad ang may mga diwa ng dukha sapagkat sa kanila ang Kaharian ng Langit. Mapapalad ang mga di marahas sapagkat mapapasakanila ang lupain. Mapapalad ang mga nagugutom at nauuhaw sa katarungan sapagkat bubusugin sila. Mapapalad ang mga maawain sapagkat kaaawan sila. Mapapalad ang may busilak na puso sapagkat makikita nila ang Diyos. Mapapalad ang mga nagpupunyagi para sa kapayapaan sapagkat tatawagin silang mga anak ng Diyos. Mapapalad ang mga pinag-uusig dahil sa katarungan sapagkat kanila ang kaharian ng langit. Mapapalad kayo kung iniinsulto kayo at pinag-uusig at sinisiraang-puri dahil sa akin. Magsaya kayo at magalak sapagkat malaki ang gantimpalang nasa Diyos para sa inyo. 

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Sr. Tina Madrigallos ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Nang Makita ni Hesus ang makapal na tao, siya’y umahon sa bundok. Umupo sya roon at nagturo… Subukan nating i-imagine na kabilang tayo sa mga taong naroroon at nakikinig kay Hesus nung araw na iyon. Marahil maiisip natin, na napakagaling nyang magsalita, may “hugot,” ika nga. Makapangyarihan ang kanyang sermon, dahil ang kanyang sinabi ay kontra sa kulturang meron tayo sa panahon ngayon – na ang pagiging mapalad ay pagiging mayaman sa pera, pagkakaroon ng kung anu- anong mga bago at nasa uso katulad ng mga gadgets, cellphone, damit at marami pang iba. Pero hindi ito ang itinuturo ng Panginoong Hesus sa atin, upang makamit natin ang tunay na kaligayahan at kapayapaan. Ang ebanghelyo ngayon, ang daan upang tunay tayong matawag na mapapalad. Marahil hindi ito magiging madali, pero makakaya nating isabuhay dahil ang pagpapala ng Diyos ay laging nandyan sa mga taong bukas at handang tumanggap.// 

PANALANGIN

Panginoong Hesukristo, liwanagan nyo po ang aming isipan, upang malaman namin at isapuso, ang mga bagay na makalangit at magkaroon ng lakas na iwasan ang mga bagay na makamundo, AMEN.