Ebanghelyo: Juan 21:1-14
Muling ibinunyag ni Hesus ang kanyang sarili sa mga alagad sa may Lawa ng Tiberias. Ibinunyag niya nang paganito. Magkakasamang naroon sina Simon Pedro, Tomas, na tinaguriang kambal, Nathaniel, na taga-Cana ng Galilea, ang mga anak ni Zebedeo at dalawa pa sa mga alagad niya.
Sinabi sa kanila ni Simon Pedro: “Aalis ako para mangisda.” Sinabi nila sa kanya, “Sasama kami sa ‘yo.” Lumabas sila at sumakay sa bangka, ngunit wala silang nahuli ng gabing ‘yon. Nang madaling-araw na, nakatayo si Hesus sa dalampasigan pero hindi nakilala ng mga alagad na si Hesus iyon.
Tinatawag sila ni Hesus: “Mga bata, may kaunti kaya kayong makakain?” Sumagot sila sa kanya: “Wala!” Sinabi naman niya sa kanila: “Ihulog ninyo sa may bandang kanan ng bangka ang lambat at makakatagpo kayo.” Kaya inihulog nga nila at hindi na nila makayanang hilahin iyon sa dami ng isda.
Kaya sinabi ni Pedro sa alagad na ‘yon na mahal ni Hesus, “Ang Panginoon s’ya!” Nang marinig ni Simon Pedro na ang Panginoon ‘yon, nagsuot s’ya ng damit sapagkat hubad s’ya at saka tumalon sa lawa.
Dumating naman ang iba pang mga alagad sakay ng bangka sapagkat hindi sila kalayuan mula sa pangpang kundi mga sandaang metro lamang. Hinila nila ang lambat ng mga isda. Kaya nang makalunsad sa lupa, nakita nilang may nagbabagang uling doon, na kinaihawan ng isda at may tinapay.
Sinabi sa kanila ni Hesus: “Halikayo’t mag-almusal!” Wala namang makapangahas sa mga alagad na mag-usisa sa kanya: ‘Kayo ba’y sino?’ dahil alam nilang si Hesus iyon. Lumapit si Hesus at kumuha ng tinapay at ipinamahagi sa kanila. Gayundin ang ginawa niya sa isda. Ito ang ikatlong pagpapahayag ni Hesus sa mga alagad matapos siyang ibangon mula sa mga patay.
Pagninilay:
Ibinahagi po ni Sr. Lourdes Ranara ng Daughters of St. Paul ang pagninilay ngayon. Kung ikaw ang nasa katayuan ng mga alagad ni Jesus, susunod ka ba sa advice ni Jesus? Eh magdamag na nga silang nasa laot pero wala naman silang nahuli. Kung kelan bukang liwayway na, saka sila sasabihang ihulog ang lambat at makakahuli sila ng isda. Ito ang pangatlong pagpapakita ni Jesus sa kanyang mga alagad matapos ang Kanyang muling pagkabuhay. Amazing dahil nagkatotoo nga. Marami silang nahuling isda nang sinunod nila ang advice ni Jesus. In moments when our mission seems futile and unproductive, Jesus comes with an assurance, “Trust me, do it with me, and you will reap a bountiful harvest.”
Kapanalig, sa mga panahong akala natin walang saysay ang mga pinaghirapan natin, dumarating si Jesus upang samahan tayo at ituro sa atin kung paano mas magiging productive ang ating misyon. Kailangan lang nating magtiwala at hayaan syang gabayan tayo. Huwag kasi nating solohin ang misyon na ipinagkatiwala niya sa atin. We are only His instruments and collaborators in the mission.
By myself I can do nothing, with God I can do everything. For the love of God, I want to do all things. To God the honor, for me heaven.
- Sr. Lourdes Ranara, fsp |Daughters of St. Paul