Ebanghelyo: Marcos 16:9-15
Una siyang nagpakita kay Maria Magdalena na mula rito’y pitong demonyo ang pinalayas niya. Umalis siya at ibinalita ito sa mga kasama ni Hesus na noo’y umiiyak at nagluluksa.
Ngunit hindi sila naniwala sa kanya nang marinig nilang buhay si Hesus at napakita sa kanya. Pagkatapos nito, napakita naman si Hesus sa ibang anyo sa dalawa sa kanila habang papunta sila sa labas ng bayan.
At pagbalik nila, ibinalita rin nila ito sa iba pero hindi rin sila naniwala sa kanila. Sa dakong huli, nang nasa hapag ang Labing-isa, napakita sa kanila si Hesus at pinagsabihan sila dahil sa kawalang-paniwala nila at katigasan ng puso: hindi nga nila pinaniniwalaan ang mga nakakita sa kanya matapos siyang buhayin. At sinabi sa kanila: “Pumunta kayo sa buong daigdig at ipahayag ang Ebanghelyo sa buong sangkinapal.”
Pagninilay:
Ibinahagi po ni Sr. Anne Loraine Santos ng Daughters of St. Paul ang pagninilay ngayon. Fake news! Scam! It’s a prank! Ito na yung mga usual na reaksyon natin kapag nakapapanood tayo ng mga balita o event na hindi naman totoo at lalong ‘di kapani-paniwala. Marahil kung sa modernong panahon eh ito rin ang naging reaksyon ng mga nakarinig ng balita na muling nabuhay si Hesus. Naranasan mo na rin bang mapag-dudahan sa iyong mga nasabi? ‘Yung alam mong totoo naman ‘yung sinasabi mo pero walang naniniwala sa ‘yo? O baka ikaw naman ‘yung nasa kabilang banda na hindi naniniwala at naging matigas ang puso?
Kapanalig, alin ka man sa mga ito, iniimbitahan ka namin na patuloy na maging alagad ng Diyos sa katotohanan. Sa gitna ng mga balitang nagkakalat ng takot, pagdududa, at kasinungalingan, piliin nating maging saksi ng katotohanan. Tulad ng mga alagad na sa bandang huli ay naniwala at buong tapang na ipinahayag ang muling pagkabuhay ni Kristo, tayong lahat ay tinatawagan ding magpahayag ng pag-asa sa halip na duda, ng liwanag sa halip na kadiliman. Sa bawat “fake news” ng mundo, ipahayag natin ang tunay at Mabuting Balita—na si Hesus ay buhay! Siya ang Daan, Katotohanan at Buhay patungo sa buhay na walang hanggan. Amen.
- Sr. Raine Santos, fsp | Daughters of St. Paul