Ebanghelyo: Juan 20:19-31
Agaw-dilim na noon sa unang araw na iyon ng sanlinggo at nakasara ang mga pinto sa kinaroroonan ng mga alagad dahil sa takot sa mga Judio, dumating si Hesus at pumagitna. At sinabi niya sa kanila: “Sumainyo ang kapayapaan!”
Pagkasabi niya nito, ipinakita niya sa kanila ang mga kamay at ang tagiliran. Kaya nagalak ang mga alagad pagkakita nila sa Panginoon.
At muli niyang sinabi sa kanila: “Sumainyo ang kapayapaan!” Gaya ng pagkakasugo sa akin ng Ama, gayon ko rin kayo ipinadadala.” At pagkasabi niya nito, hiningahan niya sila at sinabi: “Tanggapin ang Espiritu Santo! Patawarin ang mga kasalanan ninuman na inyong patawarin; at pananatilihin naman sa sinuman ang inyong panatilihin.”
Isa sa Labindalawa si Tomas na tinaguriang Kambal. Hindi nila siya kasama nang dumating si Hesus. Kaya sinabi sa kanya ng iba pang mga alagad: “Nakita namin ang Panginoon!”. “Maliban lamang na makita ko sa kanyang mga kamay ang bakas ng mga pako at maipasok ko ang aking kamay sa tagiliran niya, hinding-hindi ako maniniwala!”
Makaraan ang walong araw, muli na namang nasa loob ang kanyang mga alagad at kasama nila si Tomas. Dumating si Hesus habang nakasara ang mga pinto at pumagitna sa kanila.
At sinabi niya: “Sumainyo ang kapayapaan!” Tomas, “Dalhin mo ang daliri mo rito at tingnan ang aking mga kamay. Ipasok mo ang iyong daliri sa aking tagiliran at huwag kang tumangging maniwala.
“Panginoon ko at Diyos ko—ikaw!”, “Dahil ba sa nakita mo ako kaya ka naniniwala? Mapapalad ang mga hindi nakakita at naniniwala.”
Pagninilay:
Isinulat po ni Fr. Paul Marquez ng Society of St. Paul ang ating pagninilay.
Sampu silang mga apostol na naiwan sa senakulo. Nang magpakita sa sampu si Kristong muling nabuhay, kapayapaan ang unang salitang binigkas niya. Inulit niya ito habang ipinapakita sa kanila ang kanyang mga sugat. Hindi na iyon mga sugat na dinadaluyan ng dugo. Mga natutuyong sugat na iyon ng kaluwalhatian at tagumpay. Hindi ba’t kung magbabahagi tayo ng mapait na karanasan natin, ginagawa lamang natin ito sa taong malapit sa atin? Apat ang mga handog ni Kristong muling nabuhay sa mga apostol. Bukod sa shalom o kapayapaan, pinahayo niya ang mga apostol sa pagmimisyon. Kabilang pa rin sila sa misyon ni Hesus sa kabila ng paglaglag nila kay Hesus sa panahon ng kanyang pagpapakasakit. Ibinigay din sa kanila ang biyaya ng Espiritu Santo. At panghuli, ibinigay sa kanila ang kapangyarihang magpatawad ng kasalanan.
Hindi natin masisisi si Tomas kung hindi niya nakuhang agad maniwala sa mga kasama niya nang ikinuwento sa kanya ang pagdating ni Kristo sa kanilang piling. Kitang-kita ng mga mata ni Tomas kung paanong buong katawan ni Hesus ay puno ng latay ng mga hagupit at tigmak ng dugo. Suminghap-singhap siya at unti-unting binawian ng buhay. Minsan nang umasa si Tomas at nabigo siya nang ipinako si Jesus sa Krus, saka namatay. Ayaw na niyang umasang muli dahil ayaw na niyang mabigong muli.
Kapag nabali ang ating inaasahan, tandaan nating kaya bumalik ni Jesus para muli tayong patatagin. Ito ang ginawa niya para kay Tomas. Hinahamon din tayo na kagaya ni Tomas ibigay natin ang pagtitiwala natin kay Jesus para muli nating makita ang Diyos.
- Fr. Paul Marquez, ssp l Society of St. Paul