Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Abril 22, 2026 – Miyerkules, Ika-3 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay

Ebanghelyo: Juan 6:35-40

Sinabi ni Hesus sa mga tao: “Ako ang tinapay ng buhay. Hinding-hindi magugutom ang lumalapit sa akin at hindi mauuhaw kailanman ang naniniwala sa akin. Subalit  sinabi ko sa inyo: Nakita na ninyo at hindi kayo naniniwala.

 “Lalapit sa akin ang anumang ibinibigay sa akin ng Ama, at hinding-hindi ko ipagtatabuyan sa labas ang lumalapit sa akin. Sapagkat pumanaog ako mula sa Langit hindi upang gawin ang kalooban ko kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin.

“Ito ang kalooban ng nagsugo sa akin na huwag kong pabayaang mawala ang anumang ibinigay niya sa akin; sa halip ay ibabangon ko ito sa huling araw. Ito ang kalooban ng aking Ama: ang bawat nakasaksi sa Anak at naniniwala sa kanya ay may buhay na walang hanggan, at ibabangon ko siya sa huling araw.”

Pagninilay:

          Ibinahagi po ni Sr. Deedee Alarcon ng Daughters of St. Paul ang ating pagninilay.Patuloy ang ating paglalakbay ngayong panahon ng Pasko ng Pagkabuhay o Easter Season. Marami tayong hinahanap sa buhay: seguridad, pagmamahal, tagumpay, pera, pagkilala. Iniisip natin na kapag nakuha natin ang mga ito, magiging buo na tayo. Pero bakit kaya kahit mayroon na, parang may kulang pa rin? Malinaw ang sinabi ni Jesus: “Ako ang tinapay ng buhay.”

          Lahat tayo kumakain ng tinapay, gusto natin ito. Yung iba, kung ayaw nila ng kanin, magtitinapay sila—hindi ito luho, kundi kailangan para mabuhay. Yung tipong hindi kumpleto ang almusal kapag walang tinapay mapa-tasty man o pan de sal. Ibig sabihin, hindi lang dagdag sa buhay natin si Jesus. Hindi Siya option kapag may oras tayo. Siya ang pumupuno sa pangangailangan ng ating puso. “Hindi na magugutom kailanman” ang lumalapit sa Kanya. Hindi po ibig sabihin na mawawala ang problema kundi may kapunuan sa loob na hindi kayang agawin ng anumang kakulangan.

          Opo, medyo masakit din ang sinabi ni Jesus: “Nakita na ninyo ako, ngunit hindi pa rin kayo sumasampalataya.” Gaano kadalas nating natutunghayan ang mga biyaya at pagpapalang handog Niya—buhay, pamilya, kalusugan, kaligtasan, pagkain araw-araw, pag-asa—pero nagdududa pa rin tayo? Minsan, hindi kakulangan ng ebidensya ang problema kundi kakulangan ng tiwala.

          Napakalalim ng pangako ni Jesus: “Hinding-hindi ko itataboy ang sinumang lumalapit sa akin.” Sa mundong madaling manghusga at magtulak palayo, laging bukas ang mga kamay ni Jesus sa pagtanggap sa ating lahat. Ilang beses man tayong nadapa,  nagkamali, tumalikod sa Kanya, hindi Niya tayo itataboy. Sapagkat kalooban ng Ama na hindi tayo mapahamak, kundi ang maligtas. Mas malaki at makabuluhan ang plano ng Diyos kaysa sa sitwasyon mo sa kasalukuyan.  Mga kapanalig, saan ka ba kumukuha ng “tinapay” ng iyong buhay? Sa pansamantalang bagay lamang ba, o sa Panginoong nagbibigay ng buhay na walang hanggan? Kay Jesus, napapalitan ng kapayapaan ang pagkagutom ng puso. Kay Jesus nagsisimula ang tunay na kasiyahan.

  • Sr. Deedee Alarcon, fsp | Daughters of St. Paul