Ebanghelyo: Juan 6:44-51
Sinabi ni Hesus sa mga tao: “Walang puwedeng lumapit sa akin kung hindi siya ihahatid ng Amang nagsugo sa akin. At ako ang magbabangon sa kanya sa huling araw. Nasusulat sa Mga Propeta: ‘Tuturuan nga silang lahat ng Diyos.’ Kaya ang bawat nakikinig sa Ama at natututo ay lumalapit sa akin.
“Wala ngang nakakita sa Ama liban sa kanya na galing sa Diyos; siya ang nakakita sa Diyos. Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, may buhay na walang-hanggan ang naniniwala sa akin.
“Ako ang tinapay ng buhay. Kumain nga ng manna sa ilang ang mga ninuno at nangamatay pa rin. Narito naman ang tinapay na pumapanaog mula sa Langit, upang huwag mamatay ang kumain nito.
Ako ang tinapay na buhay, na pumanaog mula sa Langit. Kung may kakain ng tinapay na ito, mabubuhay siya magpakailanman. At ang tinapay na aking ibibigay ay ang aking laman, alang-alang sa ikabubuhay ng mundo.”
Pagninilay:
Isinulat po ni Sr. Ana Maria Casayas ng Daughters of St. Paul ang pagninilay. Sa Ebanghelyo ngayon, sinabi ni Jesus: “Ako ang pagkaing nagbibigay-buhay.” Naalala ko tuloy ang aking kabataan. Lumaki ako sa probinsya at naranasan namin ang hirap ng buhay. May mga panahon na saging, ube, at kamote lamang ang aming kinakain, dahil iyon lang ang kaya naming ihain sa hapag. Ngunit may isang bagay na hindi ko kailanman makakalimutan: bago kami kumain, laging nagdadasal ang aking papa. Nagpapasalamat siya sa Diyos kung ano man ang nasa hapag. Habang ako ay lumalaki, doon ko naunawaan ang kahalagahan ng dalawang bagay: panalangin at pagkain. Dahil sa panalangin, natututo kaming magpasalamat at makuntento at mabusog kahit gaano kasimple ang pagkain sa hapag. At higit sa lahat, lumalakas ang aming puso sa pagtitiwala sa Diyos. Ganito rin ang ipinapaalala sa atin ni Jesus sa Ebanghelyo. May gutom ang ating puso na hindi kayang punan ng pagkain lamang. Kahit gaano pa kasarap ang kainin mo, kahit sa pinakamamahaling restaurant, o sa eat-all-you-can na handaan, hindi nito matutugunan ang tunay na pangangailangan ng ating puso. Napupunan lamang ang gutom na ito ni Jesus, ang Tinapay ng Buhay. At ibinibigay Niya ang Kanyang sarili sa atin sa Banal na Eukaristiya. Sa Eukaristiya, si Jesus mismo ang nagiging pagkain ng ating kaluluwa. Tulad ng panalangin ng aking papa na nagdudulot ng pag-asa at lakas sa aming pamilya, ang Eukaristiya ang patuloy na nagpapalakas at nagbibigay-buhay sa ating pananampalataya.
Kaya huwag nating kalimutan ang panalangin at ang Eukaristiya. Dito natin tunay na nakikilala at natatanggap si Jesus, ang Tinapay ng Buhay, na nagbibigay-lakas, nagbibigay-pag-asa, at pumupuno sa gutom ng ating puso.
- Sr Ana Maria Casayas, fsp | Daughters of St. Paul