Ebanghelyo: Marcos 16:15-20
Sinabi ni Hesus sa mga alagad: “Pumunta kayo sa buong daigdig at ipahayag ang Ebanghalyo sa buong sangkinapal. Maliligtas ang maniniwala at magpapabinyag; hahatulan naman ang di maniniwala.
At ito ang mga tandang sasama sa mga maniniwala: magpapalayas sila ng mga demonyo sa aking Pangalan, magsasalita sila sa iba pang mga wika, hahawakan nila ang mga ahas, at di sila maaano kung iinom man sila ng may lason.
Ipapatong nila ang kanilang kamay sa mga maysakit at gagaling ang mga iyon.” Matapos silang kausapin ng Panginoong Hesus, iniakyat siya sa Langit at lumuklok sa kanan ng Diyos. At umalis sila at nangaral sa lahat ng lugar. Kasama nilang gumagawa ang Panginoon at pinatatatag ang Salita sa tulong ng mga tandang kasama nila.
Pagninilay:
Ibinahagi po ni Sr. Lourdes Ranara ng Daughers of St. Paul ang ating pagninilay. “Magsihayo kayo sa buong daigdig at ipangaral nindo ang Ebanghelyo sa lahat ng kinapal.” (Mk 16:15). Ito ang equivalent ng great commissioning sa Ebanghelyo ni San Marcos kung saan inatasan ni Jesus ang kanyang mga alagad na humayo at ikalat sa buong mundo ang Mabuting Balita ng kaligtasan. Hindi lamang sila evangelizers, nakapagpapagaling din sila ng mga maysakit sa ngalan ni Jesus na muling nabuhay. Si San Marcos na pinagpipitagan natin ngayon sa pagdiriwang ng kanyang kapistahan ay isa sa mga nagpahayag ng Mabuting Balita ni Jesus. Sinasabing siya ang Mark na nakasama ni San Pablo at Barnabas sa kanilang pagmimisyon.
Sinasabi rin na sya ang interpreter ni San Pedro. Kaya hindi nakapagtataka na sya ang unang nakapagsulat ng ebanghelyo. Ayon din sa tradisyon, pinatay sya sa Alexandria, Egypt kaya isa rin syang martir. Ang buhay ni San Marcos ay patotoo na hindi madali ang maging tunay at tapat na mamamahayag ng mensahe ni Jesus. Kapag ang mensahe ay salungat sa mga pagpapahalaga ng mga nakarinig, maari itong maging mitsa ng buhay. Kapanalig, by virtue of our baptism, we share in this mission to proclaim Christ to others in words and deeds.
Handa ka ba kahit na maging kapalit ito ng buhay mo? Marami tayong modern martyrs sa panahon natin: mga taong nagpapahayag ng katotohanan subalit sinasalungat at sinisira ng mga kampon ng kadiliman at hari ng kasinungalingan. Let us be courageous witnesses of the Risen Christ in our world today.
- Sr. Lourdes Ranara, fsp |Daughters of St. Paul