Ebanghelyo: Juan 10:1-10
Sinabi ni Hesus: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, ang hindi dumadaan sa pintuan sa pagpasok sa kulungan ng mga tupa kundi lumulukso sa ibang dako ay magnanakaw at mandarambong. Ang pastol ng mga tupa naman ay pumapasok sa pintuan.
Binubuksan siya ng bantay-pinto, at nakikinig ang mga tupa sa kanyang tinig; at tinatawag niya ang kanyang mga tupa sa kanilang ngalan at inilalabas niya sila. Kapag nailabas na niya ang tanang kanya, sa harap nila siya naglalakad at sa kanya sumusunod ang mga tupa, sapagkat kilala nila ang tinig niya.
Hinding-hindi sila susunod sa dayuhan, kundi tatakasan nila siya, sapagkat hindi nila kilala ang tinig ng dayuhan.” Ito ang talinhagang sinabi sa kanila ni Hesus. Ngunit hindi nila naintindihan kung ano ang gusto niyang sabihin sa kanila.
Kaya sinabi uli ni Hesus: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo: Ako ang pintuan ng mga tupa. Magnanakaw lamang at mandarambong ang lahat ng nauna sa akin. Ngunit hindi sila pinakinggan ng mga tupa. Ako ang pintuan; kung may pumapasok sa pamamagitan ko, maliligtas siya at papasok at lalabas, at makatatagpo ng pastulan.
Ang magnanakaw ay hindi dumarating kundi para lamang magnakaw, pumaslang at magpahamak. Dumating naman ako upang magkaroon sila ng buhay at lubos na magkaroon nito.”
Pagninilay:
Si Hesus ang ating mabuting pastol. Ibig sabihin, ang tinig o boses ni Hesus ay hindi lamang malumanay—ito ay nagsasabi ng totoo, tama, at makabubuti para sa atin. At tayo, bilang kanyang mga tupa ay nakikinig at sumusunod sa Kanya.
Pero madalas, mas madiskarte pa tayo kay Hesus. Ayaw nating makinig sa kanya, kasi minsan ang suggestion ni Hesus ay mahirap gawin at kailangan ng pagsusumikap. Kaya madalas pinipili nating pakinggan yung boses ng tukso ng demonyo, na nagtuturo sa atin ng mali at masamang paraan—paraang madali, ngunit magdadala sa atin sa kasamaan.
Ito ang babala ni Hesus: anumang tinig na hindi galing sa kanya ay dadalhin tayo sa ikapapahamak natin. Kaya naman, pakinggan natin ang tinig ni Hesus. Sa lahat ng ating pagdedesisyon: “Huwag natin tanungin kung mahirap, ang tanungin natin ay kung si Hesus ba ang pinakikinggan natin o hindi.”
Manalangin tayo. O, Hesus, gabayan mo ang bawat kong hakbang sa ating paglalakbay sa mundong ito. Dalhin mo akong lagi sa daan mo. Amen.
- Fr. Oliver Par, ssp l Societu y of St. Paul