Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Abril 27, 2026 – Lunes, Ika-4 na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay

Ebanghelyo: Juan 10:11-18

Sinabi ni Hesus: “Ako ang mabuting pastol. Ang mabuting pastol ay nag-aalay ng kanyang buhay alang-alang sa mga tupa. Ang upahan at hindi pastol, na hindi naman kanyang sarili ang mga tupa, pagkakita niya sa asong-gubat na dumarating, iniiwan niya ang mga tupa at tumatakas. Kaya inaagaw ng asong-gubat ang mga ito at ipinangangalat.

Sapagkat upahan siya at wala siyang malasakit sa mga tupa. “Ako ang mabuting pastol. Kilala ko ang mga akin at kilala ako ng mga akin, gaya ng pagkakilala sa akin ng Ama, at nakikilala ko ang Ama. At iniaalay ko ang aking buhay para sa aking mga tupa.”

 “May iba akong mga tupa na di naman mula sa kulungang ito. Sila may kailangan kong gabayan, at makikinig sila sa tinig ko at magkakaroon ng iisang kawan at ng iisang pastol.

 “Mahal nga ako ng Ama sapagkat hinuhubad ko ang aking buhay at muli ko itong kukunin. Walang nag-aalis nito sa akin, kundi ako ang naghuhubad nito nang kusa. May kapangyarihan ako upang hubarin ito, at may kapangyarihan din ako upang kunin itong muli. Ito ang utos na tinanggap ko mula sa aking Ama.”

Pagninilay:

          Sinabi ni Jesus, ” Ako ang Mabuting Pastol.” Ang mabuting pastol ay hindi lamang Ibinahagi po ni Sr. Edith Ledda ng Daughters of St. Paul ang pagninilay. Sinabi ni Jesus, ” Ako ang Mabuting Pastol.” Ang mabuting pastol ay hindi lamang nagbabantay sa kanyang mga tupa kundi handang mag-alay ng sarling buhay para sa kanila. Ipinapakita nito ang uri ng pag-ibig ni Jesus – isang  pag- ibig na hindi makasarili, hindi uumaalis sa oras ng panganib, at hindi sumusuko kahit mahirap. Mga kapanalig, sa ating buhay, may mga pagkakataong tayo ay naliligaw, natatakot, o napapagod sa mga suliranin. Kaya’t ipinapaalaala sa atin ng Mabuting Pastol na kilala Niya tayo nang personal. Hindi tayo isa lamang sa marami; bawat isa sa atin ay mahalaga sa Kanya. Tinatawag Niya tayo sa ating pangalan at inaakay patungo sa Buhay na totoo at ganap. Hinahamon tayo ng Ebanghelyo ngayon na maging mabuting pastol din sa ating kapwa: magmalasakit, maglingkod, at manatiling tapat lalo na kapag mahirap magmahal.

Manalangin tayo:

Panginoong Jesus, Ikaw ang aming Mabuting Pastol na nagmamahal at nag-aalaga sa amin. Tulungan Mo kaming makinig sa Iyong tinig at sumunod sa landas na Iyong itinuturo. Bigyan Mo kami ng pusong marunong magmahal at maglingkod sa kapwa. Amen.

Sr. Edith Ledda ,fsp | Daughters of St. Paul