Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Abril 7, 2026 – Martes, Oktaba ng Pasko sa Pagkabuhay

Ebanghelyo: Juan 20:11-18

Nanatili sa labas ng libingan si Maria na tumatangis. Habang tumatangis siya, yumukod siyang nakatanaw sa libingan. At may nakita siyang dalawang anghel na nakaputi na nakaupo, nasa may ulunan ang isa at ang ikalawa nama’y nasa may paanan ng kinalagakan ng bangkay ni Hesus.

          Sinabi sa kanya ng mga iyon: “Ale, bakit ka tumatangis?”, “May kumuha sa Panginoon ko, at hindi ko alam kung saan siya inilagak.” Pagkasabi niya ng mga ito, tumalikod siya at nakita niya si Hesus na nakatayo. Ngunit hindi niya nakilalang si Hesus iyon.

          Sinabi sa kanya ni Hesus: “Ale, bakit ka tumatangis? Sinong hinahanap mo” Sa pag-aakala niyang iyon ang hardinero, sinabi niya sa kanya: “Panginoon, kung kayo ang nagdala sa kanya, sabihin n’yo sa akin kung saan n’yo siya inilagay, at kukunin ko siya.”

Sinabi sa kanya ni Hesus, “Maria!” Pagkaharap niya ay winika niya sa kanya sa Aramaiko: “Rabbouni” (na ang ibig sabihin ay Guro). Sinabi sa kanya ni Hesus: “Huwag mo na akong pigilin sapagkat hindi pa ako nakaaakyat sa aking Ama. Puntahan mo ang mga kapatid ko at sabihin sa kanila: ‘Paakyat ako sa Ama ko at Ama n’yo, sa Diyos ko at Diyos n’yo.’”

          Pumunta si Maria Magdalena, na nagbalita sa mga alagad: “Nakita ko ang Panginoon. At ito ang sinabi niya sa akin.”

Pagninilay:

          Ibinahagi po ni Sr. Vangie Canag ng Daughters of St. Paul ang pagninilay. Bakit kaya kay Maria Magdalena unang nagpakita si Jesus pagkatapos niyang mabuhay na mag-uli? Bakit hindi kay Pedro, o kay Juan? Inutusan pa si Maria na ibalita ang muling pagkabuhay sa mga alagad na lalaki! Ginawa siyang apostle to the apostles! Noong kapanahunan ni Jesus ang salita ng mga babae ay hindi pinaniniwalaan. Ngunit si Maria Magdalena ang pinili ni Jesus na unang magpatotoo: “Nakita ko ang Panginoon!” Isang babae. Hindi marangal sa paningin ng mga Hudyo. Ngunit masidhi ang pana-nampalataya at pagmamahal kay Jesus. Madilim at natutulog pa ang ibang mga alagad, tumakbo na siya sa libingan upang usisain kung ano’ng nagyari kay Jesus. Kaya siya ang unang nakakita sa Panginoon. May ipinapahiwatig si Jesus sa kanyang pagpa-padala kay Maria kina Pedro: ang mga babae ay tagapagpahayag ng magandang balita, katuwang ng mga lalaki. Hindi katulong lang. Noong International Womens Day March 2026, binigyan-diin ni Pope Leo IV na kailangang itaguyod ang equal dignity ng babae at lalaki, at ang culture of respect towards women. Naa-appreciate ba natin ang mga mabuting gawa ng kababaihan: sa pamilya, sa agham, sa politika, sa simbahan? Salamat, Panginoon, Jesus: dumating ka sa mundo sa pamamagitan ng isang babae at ipinakita mo ang pagbibigay halaga sa kababaihan. Amen.

  • Sr. Vangie Canag, fsp | Daughters of St. Paul