Ebanghelyo: Mateo 20:1-16
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Tungkol sa nangyayari sa Kaharian ng Langit ang kuwentong ito. Maagang lumabas ang may-ari para umupa ng mga manggagawa sa ubasan. Nakipagkasundo siya na tatanggap ng isang baryang pilak isang araw ang mga manggagawa, at pinapunta na niya sila sa ubasan.
“Lumabas din siya nang mag-iikasiyam ng umaga at nakita niya ang ibang mga nakatayo sa plasa na walang ginagawa. Kaya sinabi niya sa kanila: ‘Pumunta rin kayo sa aking ubasan at bibigyan ko kayo ng nararapat.’ At pumunta sila.
“Muli siyang lumabas kinatanghalian at nang mag-iikatlo ng hapon at gayundin ang ginawa niya.
“Lumabas din siya sa huling oras ng paggawa at nakita niya ang iba pang nakatayo lamang. Kaya sinabi niya sa kanila: ‘Baki’t kayo nakatayo lang at maghapong walang ginagawa’ Sumagot sila: ‘dahil walang umupa sa amin.’ ‘Pumunta kayo at magtrabaho sa aking ubasan.’
“Paglubog ng araw, sinabi ng may-ari ng ubasan sa kanyang tagapamahala: ‘Tawagin ang mga manggagawa at bayaran sila, mula sa huli hanggang sa una.’ Kaya lumapit ang mga dumating sa huling oras at binigyan sila ng tig-isang denaryo. Nang lumapit naman ang mga nauna, akala nila bibigyan sila ng higit pa, ngunit binigyan din sila ng tig iisang denaryo. Kaya pagkatanggap nila nito, nagsimula silang magreklamo sa may-ari. Ang sabi nila. Isang oras lamang ang trabaho ng mga huling ito: At pinapantay mo sila ngayon sa amin na maghapong nag trabaho sa init ng araw.
“Kaya sinagot ng may-ari ang isa sa kanila: ‘Kaibigan, hindi ko kinukuha ang sa iyo. Hindi ba’t nagkasundo tayo sa isang denaryo isang araw? Kaya tanggapin mo ang sa iyo at umalis kana. Gusto ko ring bigyan ang gusto ko sa pera ko? Ba’t ka naiinggit dahil maawain ako?’
“Kaya mauuna nga ang huli, at mahuhuli ang una.”
Pagninilay:
Sa halos lahat ng ginagawa natin, natural lamang na umasa tayong may katumbas ang ating pagod at sakripisyo. Kapag mas malaki ang ating naibigay, pakiramdam natin ay mas malaki rin ang nararapat nating matanggap. Kaya madaling makisimpatya sa mga manggagawang nagreklamo sa Ebanghelyo. Ngunit habang nakatuon tayo sa usapin ng pagiging patas, may mas mahalagang ipinakikita si Hesus.
Paulit-ulit na lumabas ang may-ari ng ubasan upang maghanap ng mga manggagawa. Hindi niya hinintay na sila ang lumapit. Siya mismo ang naghanap sa mga nakatayo pa rin sa liwasan, maging sa mga huling oras ng maghapon. Sabi nga, “God meets us where we are.” Ganito ang Diyos. Lumalapit Siya sa atin saan man tayo naroroon at anuman ang ating pinagdaraanan. Hindi Siya napapagod magbigay ng panibagong pagkakataon.
Marahil may mga pagkakataong pakiramdam natin ay huli na ang lahat: huli na para magbago, magbalik-loob, o magsimulang muli. Ngunit ipinapaalala ng Ebanghelyo na hangga’t may panahon, patuloy tayong hinahanap at tinatawag ng Diyos.
Manalangin tayo: Panginoon, salamat dahil hindi Ka nagsasawang hanapin kami. Tulungan Mo kaming buksan ang aming puso sa Iyong paanyaya at magtiwalang saan man kami naroroon, naroon Ka ring handang umakay sa amin. Amen.
- Cl. Anjon Mamunta, ssp | Society of St. Paul