Ebanghelyo: Mateo.22:1-14
Muling nagsalita si Jesus sa pamamagitan ng mga Talinhaga: Tungkol sa nagyayari sa kaharian ng Langit ang kwentong ito: May isang haring naghanda sa kasal ng kanyang anak na lalaki. Ipinatawag niya sa mga katulong amg mga imbitado sa kasalan ngunit ayaw nilang dumalo.
“Muli niyang pinapunta ang iba pang mga katulong para sabihin sa mga inanyayahan sa kasalan: Naghanda ako ng pagkain, nagpatay ng mga toro at mga pinatabang hayop; handa na ang lahat kaya pumarito na kayo sa kasalan. Ngunit hindi nila pinansin ang paanyaya, sa halip ay may pumunta sa kanyang taniman, at sa kanyang negosyo naman ang isa pa. Sinunggaban naman ng iba ang mga katulong ng hari, nilibak at pinatay.
Lubhang nagalit ang hari kaya’t ipinadala niya ang kanyang hukbo para puksain ang mga mamamatay-tao at sunugin ang lunsod. At sinabi niya sa kanyang mga katulong: Handa na ang kasalan ngunit hindi karapat-dapat ang mga inaanyayahan. Pumunta kayo ngayon at sa dulo ng lunsod at anyayahan sa kasalan ang bawat makita n’yo.
Kaya agad na lumabas sa mga daan ang mga katulong at tinipon ang lahat ng makita, masama at mabuti, at napuno ang kasalan ng mga nasa hapag.
Pagkatapos ay dumating ang hari para tingnan kung sino ang mga nasa hapag at napansin niya ang isang lalaking hindi nakadamit-pampeyesta. Kaya sinabi niya rito: Kaibigan, paano ka nakapasok nang walang damit pangkasal? Ngunit hindi umimik ang tao. Kaya sinabi ng hari sa kanyang mga katulong: Igapos ang kanyang mga kamay at paa, at itapon sa dilim, kung saan may iyakan at pagngangalit ng mga ngipin.” “Marami ngang talaga ang tinatawag pero kaunti ang pinili.”
Pagninilay:
Sa talinhaga sa ating Ebanghelyo ngayon, may inihandang piging ang isang hari at inutusan niya ang kanyang mga alipin upang magtawag ng mga dadalo dito. Ngunit hindi lahat ay tumugon sa imbitasyong ito. May isa namang tumugon ngunit hindi ito nakapambihis nang ayon sa okasyon.
Ang handaan ay sumisimbolo sa Kaharian ng Diyos. Ang hari na naghanda ay ang Diyos Ama at ang inutusan niyang magtawag sa mga imbitado ay ang Kanyang nag-iisang Anak na si Hesus. At tayo ang mga imbitadong yaon. At dahil ito ay isang imbitasyon, maari itong tanggapin o tanggihan.
Kung tatanggapin natin ang imbitasyon, kailangan natin ng paghahanda. Tulad nang sinabi sa talinhaga, kinakailangan tayo’y nakapambihis nang ayon sa okasyon—nang ayon sa Kaharian ng Diyos.
Iniimbitahan tayo ni Hesus na tumugon sa imbitasyon ng Diyos Ama na mapabilang sa Kanyang Kaharian. At bilang paghahanda, tayo ay dapat na mamuhay nang naayon sa turo ni Hesus—nagmamahalan, nagpapatawaran, nagsusulong ng katarungan at kapayapaan.
- Fr. Oliver Par, ssp l Society of St. Paul