Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Agosto 21, 2026 – Biyernes

Ebanghelyo: Mt 22:34-40:

Narinig ng mga Pariseo na napatahimik ni Jesus ang mga Sadduseo, at sumang-ayon sila sa kanya. Kaya sinubukan siya ng isa sa kanila na isang guro ng Batas sa tanong na ito: “Guro, ano ang pinakamahalagang utos ng Batas?” Sumagot si Jesus: “Mahalin mo ang Panginoon mong Diyos nang buo mong puso, nang buo mong kaluluwa at nang buo mong pag-iisip. Ito ang una at pinakamahalagang utos. Ngunit may ikalawa pa na tulad nito: ‘Mahalin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.’ Sa dalawang utos na ito nabubuod ang buong Batas at Mga Propeta.”

Pagninilay:   “Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, buong kaluluwa mo, at buong pag-iisip mo.”

Paano nga ba ibigin ang Diyos? Parang kahit ano yatang gawin natin, laging di magiging sapat ang kakayahan natin para ibigin ang dakilang Panginoon. Ngunit magsisinungaling ba ang Diyos? Magbibigay ba siya ng utos na hindi natin kayang gawin? Sinagot rin ito ni Hesus sa ikalawang dakilang utos: ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili. Noong bago lumisan si Hesus sa gabi ng Huling Hapunan, ito rin ang bilin niya sa kanyang mga alagad, “…magmahalan kayo. Kung kayo’y may pagmamahal sa isa’t isa, makikilala ng lahat na kayo’y mga alagad ko.” Ngunit aminin din natin na hindi naman sa lahat ng pagkakataon ay madaling ibigin ang kapwa. Pero hindi rin naman ito imposible. Kaya hinihingi ng Diyos na buong puso, kaluluwa at pag-iisip natin Siyang mahalin upang masakop niya ang kabuuan natin at maihulma ang ating puso sunod sa puso niya. Hindi niya sinabing, mahalin mo ako ng perpekto mong puso, sakdal linis mong kaluluwa at matalino mong pag-iisip. Ang hinihingi niya ay tayo at kabuuuan natin: kahinaan, kagandahan, lahat. Dahil mahirap magmahal ng pira-piraso, unti-unti at kalkulado. Ang tunay na pag-ibig ay buo at ganap na kayang ialay pati ang sarili para sa kabutihan ng kapwa. Dagdag pa ni San Juan mula sa kanyang mga sulat: “Mga minamahal, kung ganoon kadakila ang pag-ibig ng Diyos sa atin, dapat din tayong magmahalan. Kailanma’y wala pang taong nakakita sa Diyos, ngunit kung tayo’y nagmamahalan, nasa atin ang Diyos at nagiging ganap sa atin ang kanyang pag-ibig.” Kapanalig, sana ngayong araw na ito ay maalala mong labis kang iniibig ng Diyos at nawa ang katotohanang ito ang magbigay ng lakas ng loob sa iyo na umibig tulad Niya. Amen.

  • Sr. Raine Santos, fsp | Daughters of St. Paul