Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Agosto 22, 2026 – Sabado

Ebanghelyo: Mateo 23:1-12

      Sinabi ni Jesus sa mga tao at sa kanyang mga alagad: “Ang mga guro ng Batas at mga Pariseo ang umupo sa puwesto ni Moises. Pakinggan at gawin ang lahat nilang sinasabi subalit huwag silang pamarisan sapagkat nagsasalita sila pero hindi naman ginagawa. Naghahanda sila ng mabibigat na pasanin at ipinapatong sa mga balikat ng mga tao. Nginit hindi nila ikinikilos ni isang daliri para galawin ang mga iyon. Pakitantao lamang ang lahat nilang ginagawa; dahil dito, malalapad na laso ng Kasulatan ang gusto nila para sa kanilang mga noo, at mahahabang palawait sa kanilang balabal. Gusto nilang mabigyan ng pangunahing lugar o upuan sa mga piging at sa sinagoga. Ikinatutuwa rin nilang mabati sa mga liwasan at matawag na guro ng mga tao.

      “Huwag kayong patawag na ‘guro’ sapagkat isa lamang ang Guro ninyo at magkakapatid kayong lahat. Huwag din n’yong tawaging  ‘ama’ ang sinuman sa mundo sapagkat iisa lamang ang inyong Ama, siya na nasa Langit. Huwag din kayong patawag na ‘gabay’ sapagkat iisa lamang ang inyong Patnubay, si Kristo. Maging alipin n’yo ang pinakadakila sa inyo. Sapagkat ibababa ang magpapakataas at itataas ang nagpapakababa.”

Pagninilay:

Kapanalig, kung isa kang guro at sinabihan ng inyong principal ang mga mag-aaral ng ganito: “Sundin at gawin ninyo ang lahat ng sinasabi niya; ngunit huwag ninyong tularan ang kanyang mga gawa,” ano ang mararamdaman mo? Matutuwa ka ba o maiinsulto? Maaaring ganyan din ang naramdaman ng mga Pariseo at tagapagturo ng batas sa pananalitang ito ni Jesus. Masakit. Nakakainsulto. Nakakagalit. Bakit? Kasi may talim ang Salita ng Diyos. Tumatagos sa puso ng tinatamaan. Hindi ito nagpapatahimik at nagpapatulog. Ang mga salitang ito ni Jesus ay hindi lamang hamon sa mga guro at magulang. Hamon ito para sa ating lahat na isabuhay ang mga sinasabi natin. Ang kabutihang asal ay hindi lamang itinuturo sa pamamagitan ng mga salita. Mas madaling matutunan ito kung nakikita sa gawa. Bago tayo mag-demand ng katapatan sa iba, sikapin muna nating maging tapat at totoo.

Kapanalig, ginugunita rin natin ngayon ang Pagka-Reyna ng Mahal na Birheng Maria. Siya ay Reyna dahil anak niya si Kristong Hari. At tiyak kong una niyang isinabuhay ang anumang itinuro niya sa kanyang Anak. Sabi nga, nakikilala ang puno sa bunga nito. Ang katapatan ni Jesus sa kanyang misyon, kahit na ang buhay niya ang naging kapalit nito, ay nagpapakita kung paano siya pinalaki at tinuruan ng kanyang ina.

  • Sr. Lou Ranara, fsp | Daughters of St. Paul