Ebanghelyo: Mateo 16:13-20
Pumunta si Jesus sa may dakong Cesarea ni Filipo. Tinanong niya ang kanyang mga alagad:” Ano ang Anak ng Tao para sa mga tao? Sino ako para sa kanila?” Sumagot sila: “May nagsasabing si Juan Bautista ka; may iba pang nagsasabing si Elias ka o si Jeremias o isa sa mga propeta kaya.”:’Ngunit sino ako para sa inyo?” At sumagot si Simon Pedro: “Ikaw ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos na Buhay.”: “Mapapalad ka, Simon Bar-Yona, hindi nga laman at dugo ang nagbunyag nito sa iyo kundi ang aking Amang nasa Langit. At ngayon sinasabi ko sa iyo: Ikaw si Pedro (o Bato) at sa batong ito ko itatayo ang aking Iglesya; at hinding-hindi madadaig ng kapangyarihan ng kamatayan. Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng Kaharian ng Langit ang itali mo dito sa lupa ay itatali rin sa Langit, at ang kalagan mo dito sa lupa ay kakalagan din sa Langit.”
Pagninilay:
Hindi po kilala si Hesus noong panahon niya ng nakararami bilang isang “panginoon” o “anak ng Diyos.” Sa maraming pagkakataon ang pagkakakilanlan ni Hesus ay anak siya ng isang karpintero.
Kaya sa totoo lang ang mahirap maintindihan sa tagpo ngayon sa ating ebanghelyo: si Pedro’y mangingisda, ang nagsabing panginoon ang isang karpintero—baka po marami ang natawa at nasabing nahihibang sila. Well, nakita na ng mga tao ang mga milagro at iba pang kamangha-manghang mga bagay. Natuwa sila pero hindi makapaniwala. Kumabig pero hindi nanalig.
Ito po ang maganda nating pagnilayan mga kapanalig. Alam na nating si Hesus ay anak ng Diyos. Sa ngayon, given yan. Pero magandang tanungin ang sarili, ikaw pa rin ba ay kumakabig sa Diyos o nananalig sa kanya?
Kilala mo lang ba siya pag may kailangan ka at lumalapit ka ba sa kanya dahil sa takot sa impiyerno? O nananalig ka sa kanya dahil totoo mo siyang kaibigan at mahal na mahal mo siya kaya gusto mong mapunta sa langit?
Sino si Hesus para sa iyo? Kinakabigang Kaibigan o Kristong “Tagapagligtas” na Kaibigan?
- Fr. Vinz Aurellano, ssp | Society of St. Paul