Ebanghelyo: Mateo 20:20-28
Lumapit kay Hesus ang ina ni Jaime at Juan kasama ang dalawa niyang anak, at lumuhod sa harap niya para makiusap. Tinanong siya ni Hesus: “Ano ang ibig mo?” At sumagot siya: “Narito ang dalawa kong anak. Iutos mong maupo ang isa sa iyong kanan at ang isa naman sa iyong kaliwa sa iyong Kaharian.” Sinabi ni Hesus sa magkapatid: “Hindi n’yo nalalaman ang inyong hinihingi. Maiinom n’yo ba ang kalis na iinumin ko?” Sumagot sila: “Kaya namin.” Sumagot si Hesus: “Totoong iinom din kayo sa aking kalis ngunit wala sa akin ang pagpapaupo sa aking kanan o kaliwa. Para iyon sa mga hinirang ng Ama.” Nang marinig ito ng sampu, nagalit sila sa magkapatid. Kaya tinawag sila ni Hesus at sinabi: “Alam n’yo na sinusupil ng mga naghahari ang kanilang mga bansa at inaapi ng mga nasa kapangyarihan. Hindi naman ganito sa inyo: ang may gustong maging dakila, siya ang maging lingkod ninyo; ang may gustong mauna sa inyo, siya ang maging alipin ninyo. Gayundin naman, dumating ang Anak ng Tao hindi para paglingkuran kundi para maglingkod at ibigay ang kanyang buhay bilang pagtubos sa marami.”
Pagninilay:
Noong seminarista pa ako, may isang madre sa seminaryo na mahilig gumawa ng shake. Healthy ito. Magandang inumin para sa kalusugan. Ang problema iisa lang ang ingredient nito: AMPALAYA. Yung bunga pati yung dahon. At ang madre naming ito para bang personal niyang misyon sa buhay na mapainom iyon sa lahat sa amin. Hindi ka niya tatantanan hangga’t hindi nauubos ang laman ng kanyang pitsel.
Nakakatawang alaala. Pero sa aking pagbabalik tanaw, sobrang akma. Dahil sa inumin na iyon parang higit akong naihanda sa buhay pari. Dahil sa buhay na ito, kailangan handa tayong inumin ang anumang kalis na kailangan para sa pagsunod kay Hesus, masarap man ito o hindi.
Sa Mabuting Balita ngayon, may isang ina na lumapit kay Hesus upang humingi ng magagandang pwesto para sa kanyang mga anak. Gusto niya ang karangalan. Gusto niya ang korona. Pero ang sagot ni Hesus: “Maiinom ba ninyo ang kalis na iinumin ko?”
Parang sinasabi Niya: bago ang korona, may kalis muna. Bago ang karangalan, may sakripisyo. Bago ang kaluwalhatian, may krus.
Ganun din sa buhay natin. Madalas gusto natin ang bunga, pero hindi ang paghihirap. Gusto natin ang tagumpay, pero ayaw natin ng sakripisyo. Gusto natin ang Pasko ng Pagkabuhay, pero iiwas tayo sa Biyernes Santo.
Si Santiago mismo ay nagsimula na parang hindi pa lubos na nauunawaan ang ibig sabihin ng kalis na iyon. Pero sa huli, ininom niya ito. Tinatawag natin siyang dakila, James the Great, pero magandang tandaan na hindi niya ito naabot agad. Pinaghirapan niya ito. Naging tapat siya kay Hesus, at sa kalaunan naging handa siya para inumin ang kalis na inihanda para sa kanyang kadakilaan.
Hindi lahat ng kalis sa buhay ay masarap. May mga kalis ng paghihintay, pagkabigo, pagpapatawad, at pagtitiis. At mahirap man itong tanggapin, tandaan natin na kailangan lang nating manatiling tapat sa pagsunod natin kay Hesus, na matiyaga tayong tuturuan, gagabayan, at ihahanda para magawa nating tahakin ang kanyang daan, at maabot ang kalangitan.
Manalangin tayo: Panginoong Hesus, hindi namin laging mauunawaan ang kalis na aming iinumin. Ngunit tulad ni Santiago, turuan mo kaming manatiling tapat at sumunod sa iyo hanggang wakas. Amen.
- Fr. Albert Garong, ssp l Society of St. Paul