Ebanghelyo: Mateo 13:44–46
Sinabi Hesus sa mga tao: Naihahambing ang kaharian ng Langit sa kayamanang nakatago sa isang bukid. Kung may makakita nito, ibabaon niya ito uli; at dahil sa kanyang kaligayahan, ipinagbibili niya ang lahat niyang ari-arian, at binibili niya ang bukid.
Naihahambing din naman ang kaharian ng Langit sa isang negosyanteng naghahanap ng magagandang perlas. Pagkakita niya ng isang perlas na napakalaki ang halaga, umalis siya at ipinagbili ang lahat niyang ari-arian at binili ang perlas.
Pagninilay:
Isang makapangyarihang hari si Alexander the Great na sumakop sa malaking bahagi ng daigdig noong sinaunang panahon. May nabasa ako sa internet na bago namatay si Alexander the Great, nagpahayag siya ng tatlong kahilingan. Una, nais niyang ang pinakamagagaling na manggagamot ang magdala ng kanyang kabaong. Ikalawa, ipakalat ng kanyang mga heneral sa daan patungo sa libingan ang lahat ng kanyang mga kayamananan. At ikatlo, nais niyang nakalawit at nakalabas sa kabaong ang kanyang mga kamay habang dinadala ang bangkay niya.
May malalim na kahulugan ang mga hiling na ito ni Alexander. Ipinakita niya na walang kapangyarihan kahit ang pinakamahusay na manggagamot na pigilan ang kamatayan. Ipinakita rin niya na ang lahat ng kayamanan ay naiiwan sa mundong ito. At sa huli, tulad ng pagdating natin sa mundo na walang dala, aalis din tayong walang dala.
Mga kapanalig, pansamantala lamang ang lahat ng bagay at mga relasyon sa mundong ito. Ang Diyos lamang ang nananatili magpakailanman. Kaya’t inaanyayahan tayo ng Ebanghelyo ngayon na gawin Siyang pinakadakilang kayamanan ng ating buhay. Si Hesus ang tinuturing na kahapon, ngayon, at magpakailanman. Kapag mas minamahal natin ang Diyos, mas natututo tayong mahalin nang tama ang ating pamilya. Kapag mas minamahal natin ang Diyos, binibigyan Niya tayo ng karunungan upang piliin ang mabuti at ituwid ang ating pananaw ayon sa Kanyang kalooban. Sapagkat kung ang Diyos ang ating unang prayoridad, hindi Niya inaagaw ang ating pagmamahal sa pamilya at sa mga taong mahal natin. Sa halip, lalo Niyang pinagtitibay at pinayayabong ang ating mga ugnayan sa kanila. Kaya tanungin natin ang ating sarili: Ang Diyos nga ba ang ating pinakamahalagang kayamanan? Handa ba tayong iwanan ang lahat para lamang sa Kanya? Amen.
- Fr. JK Malificiar, ssp l Society of Paul