Ebanghelyo: Mateo 5:17-19
Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Huwag n’yong akalain na naparito ako para pawalang-bisa ang Batas at Mga Propeta. Naparito ako hindi para magpawalang bisa kundi upang magbigay-karapan.
At talagang sinasabi ko sa inyo: habang hindi nababago ang Langit at lupa, hindi mababago ni isang kudlit o kuwit ng Batas: lahat ay matutupad. “Kung may lumabag sa pinakamaliit na ipinag-uutos ng Batas at magturo ng ganoon sa mga tao, ituturing din siyang pinakamaliit sa Kaharian ng Langit. Ngunit kung may magsasagawa at magtuturo ng mga ito sa mga tao, magiging dakila siya sa Kaharian ng Langit.”
Pagninilay:
Isinulat po ni Cl. Anjon Mamunta ng Society of St. Paul ang pagninilay. Sa ating araw-araw na buhay, marami tayong batas na sinusunod. May mga batas sa bahay, may mga batas trapiko, at mayroon ding mga patakaran sa paaralan o sa opisina. Madalas, lalo na kapag hindi natin lubos naiintindihan ang mga ito, ang sinasabi na lang natin ay “sumunod ka na lang.” Minsan pakiramdam natin pabigat ang batas at parang pumipigil sa kalayaan natin. Pero kung iisipin, ang mga batas ay ginawa hindi para pahirapan tayo, kundi para ayusin ang samahan at protektahan ang buhay. Ganito rin ang batas ng Diyos. Sa Ebanghelyo ngayon, sinabi ni Hesus na hindi Siya dumating upang alisin ang kautusan, kundi upang ito’y tuparin. Hindi Niya binura ang batas ng Diyos, kundi ipinakita Niya ang tunay na kahulugan nito: sa Kanyang buhay at gawa, malinaw na ang puso ng kautusan ay pag-ibig. Ang pagsunod sa Diyos ay laging may kasamang malasakit sa kapwa. Kapag pinagaling ni Hesus ang may sakit, pinatawad ang makasalanan, at tinanggap ang mga itinataboy ng lipunan, ipinapakita Niya na ang batas ng Diyos ay hindi lang tungkol sa tama at mali, kundi tungkol sa pagmamahal. Nang ang kautusan ay naging mabigat at nakakapagod, lumapit si Hesus upang salubungin tayo kung nasaan tayo.
Mga kapatid/kapanalig, bakit nga ba tayo sumusunod sa mga utos ng Diyos. Dahil ba sa takot, o dahil ba nagmamahal tayo? Baka minsan tama ang ginagawa natin sa panlabas, pero sarado naman ang puso sa kapwa. Inaanyayahan tayo ni Hesus na huwag lang sumunod sa letra ng batas, kundi isabuhay ang diwa nito. Kapag ang batas ay isinabuhay sa pag-ibig, hindi na ito pabigat, kundi gabay patungo sa mas makabuluhang buhay.
- Cl. Anjon Mamunta, ssp l Society of St. Paul