Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Marso 10, 2026 – Martes, Ika-2 Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda

Ebanghelyo: Mateo 18:21-35

Nagtanong naman si Pedro: “Panginoon, gaano kadalas ko naman dapat patawarin ang mga pagkukulang ng aking kapatid? Pitong beses ba?” Sumagot si Hesus: “Tungkol sa Kaharian ng Langit ang istoryang ito. Isang hari ang nagpasyang pagbayarin ng utang ang kanyang utusan. Nang simulan niyang suriin ang kuwenta, iniharap sa kanya ang isang may utang na sampung baretang ginto.

Dahil walang maibayad sa kanya ang tao, iniutos ng panginoon na ipagbili siya at maging alipin kasama ng kanyang asawa, mga anak at mga ari-arian bilang bayad-utang. “At nagpatirapa sa paanan ng hari ang opisyal at nagsabi: ‘Bigyan mo pa ako ng panahon, at babayaran kong lahat ang utang ko.’ Naawa sa kanya ang hari at hindi lamang siya pinalaya kundi kinansela pa ang kanyang utang.

Pagkaalis ng opisyal na ito, nasalubong niya ang isa sa kanyang mga kasamahan na may utang namang sandaang barya sa kanya. Sinunggaban niya ito sa leeg at halos sakalin habang sumisigaw ng ‘Bayaran mo ang utang mo!’ Nagpatirapa sa paanan niya ang kanyang kasamahan at nagsabi: ‘Bigyan mo pa ako ng panahon, at babayaran kong lahat ng utang ko sa iyo.’

Ngunit tumanggi siya at ipinakulong ito hanggang makabayad ng utang. Ipinatawag ng  panginoon ang opisyal at sinabi: ‘Masamang utusan, pinatawad ko ang lahat ng iyong utang nang maki-usap ka sa akin.

Di ba dapat ay naawa ka rin sa iyong kasamahan gaya ng pagkaawa ko sa iyo?’ Galit na galit ang panginoon kaya ibinigay niya ang kanyang utusan sa mga tagapagpahirap hanggang mabayaran nito ang kanyang utang.” “Ganito rin ang gagawin sa inyo ng aking Ama sa Langit kung hindi patatawarin ng bawat isa sa inyo mula sa puso ang kanyang kapatid.”

Pagninilay:

Ibinahagi ni Sr. Deedee Alarcon ng Daughters of St. Paul ang pagninilay. Ikinuwento ni Jesus ang isang lingkod na may utang na hindi kayang bayaran—isang utang na simbolo ng ating kasalanan sa harap ng Diyos. Wala tayong maipambabayad sa dami ng pagkakataong nagkulang tayo sa pag-ibig, katapatan, at pananampalataya. Pero tulad ng hari sa talinhaga, nauna ang awa ng Diyos kaysa hustisya. Pinapatawad tayo, pinapalaya, at binibigyan ng panibagong simula.

Nakakalungkot na hindi marunong magpatawad sa kanyang kapwang maliit lamang ang pagkakautang sa kanya, nitong lingkod na pinatawad sa kanyang napakalaking utang. Mga kapatid/kapanalig, may naaalala po ba kayo o medyo nakaka-relate? Minsan, malaki ang tiwala natin sa awa ng Diyos, pero napakahigpit natin sa ating mga kasama sa bahay, kapamilya, katrabaho, kapitbahay o kaibigan. Ayaw nating kalimutan ang masasakit na sinabi at ginawa nila laban sa atin, kahit napatawad na tayo ng Panginoon sa ating mas mabibigat na pagkakasala. Hindi sinasabi ni Jesus na madali ang magpatawad. Hindi paglimot ang kapatawaran, hindi rin pagkukunwari na walang nangyari, at lalong hindi pagpahintulot sa pang-aabuso. Mga kapatid/kapanalig, pagpapalaya ang kapatawaran—hindi lang sa nagkasala, kundi sa sarili nating pusong nabibigatan. Sa pagkapit natin sa galit at sama ng loob, tayo rin ang napaparalisa. Ngayong panahon ng Kwaresma, matindi ang babala ni Jesus: kung hindi tayo marunong magpatawad, tayo mismo ang humaharang sa pagdaloy ng Kanyang awa sa ating buhay. Nagsisimula ang tunay na kalayaan sa pagtulad kay Jesus na nanalangin habang nakapako sa krus, “Ama, patawarin mo sila sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.”

  • Sr. Deedee Alarcon, fsp l Daughters of St. Paul