Ebanghelyo: Lucas 4:24-30
Pagdating ni Hesus sa Nazaret, sinabi niya sa lahat ng nasa sinagoga: “Talagang sinasabi ko: walang propetang katanggap-tanggap sa sarili niyang bayan. Tinitiyak ko sa inyo na maraming byuda noon sa kapanahunan ni Elias nang sarhan ang Langit sa loob ng tatlo’t kalahating taon at nagkaroon ng matinding taggutom sa buong lupain.
Gayon pa ma’y hindi ipinadala ni Elias sa isa man sa kanila kundi sa byuda ng Sarepta sa may Sidon. Marami ring may ketong sa Israel sa kapanahunan ni Propeta Eliseo pero wala sa kanilang pinagaling kundi ang Siriong sa Naaman.”
Napuno ng galit ang lahat sa sinagoga pagkarinig dito, tumindig sila at ipinagtulakan siya sa labas ng bayan. Dinala nila siya sa gilid ng burol na kinakatayuan ng kanilang bayan upang ihulog. Ngunit dumating siya sa gitna nila at umalis.
Pagninilay:
Mula po sa panulat ni Sr. Vangie Canag ng Daughters of St. Paul ang pagninilay. Naranasan mo na bang magdala ng magandang balita sa isang tao na akala mo’y ikagagalak niya, ngunit sa halip ay nagalit sa iyo? Siempre, disappointed ka, di ba? Iyan ang nangyari kay Jesus sa ebanghelyong napakinggan natin ngayon. Ang magandang balitang dala niya ay ang kaligtasan na para sa lahat. Hindi lamang para sa mga Hudyo kundi pati sa mga pagano. Bilang patotoo, pinaalaala niya ang tungkol kay propeta Elias na pinadala ng Diyos sa Sidon upang tumulong sa isang balo, at si propeta Eliseo na nagpagaling kay Naaman, ang ketongin na heneral ng Siria. Hindi ba magandang balita iyon? Na ang mga pagano ay maliligtas rin? Para sa mg Hudyo ay hindi po. Sumiklab ang matinding galit nila. Tinangka nilang ibulid si Jesus sa burol upang mamatay. Bakit? Dahil, ayon sa kanila, silang chosen people lang ang may karapatan sa kaligtasan! Umiral ang kanilang pagmamataas. Kung nagsaliksik sila ng maigi sa Lumang Tipan at sa mga propeta, sana nalaman nila na ang kaligtasan ay para sa buong sangkatauhan. Ngunit tulad ng sinabi ni Jesus walang propeta na tinatanggap sa sariling bayan. Iyan din ang nangyayari ngayon. Ang mga nagdadala ng mabuting balita ay inuusig at pinapatay. Ilang mga pari, madre, pastor, human rights worker, environmentalists ang pinatay na? Sa bisa ng ating binyag, tayo’y mga propeta na dapat magsiwalat ng Mabuting Balita. Kasama dito ang magprotesta sa mga katiwalian sa mundo at sa pamahalaan. Hindi mind my own business lang. Co-responsible tayo sa kaligtasan ng sangkatauhan. Tanungin natin sa ating sarili: ano ang ginagawa ko at magagawa ko pa upang ang Mabuting Balita ay lumaganap at magkabunga? Panginoong Jesus, bigyan mo kami ng lakas ng loob na maging propeta mo sa aming lipunan. Amen.
- Sr. Vangie Canag, fsp l Daughters of St. Paul