Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Marso 13, 2026 – Biyernes, Ika-3 Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda

Ebanghelyo: Marcos 12:28b-34

May isang guro ng Batas na nakarinig sa pagtatalo ni Hesus at ng mga Sadduseo. Nang mapansin niyang tama ang sagot ni Hesus sa mga Sadduseo, lumapit siya at nagtanong kay Hesus: “Ano ang una sa lahat ng utos?”

Sumagot si Hesus: “Ito ang una: ‘Makinig nawa, O Israel! Iisa lang ang Panginoon nating Diyos. At mamahalin mo ang Panginoon mong Diyos nang buo mong puso, nang buo mong kaluluwa, nang buo mong pag-iisip at nang buo mong lakas.’ At pangalawa naman ito: ‘Mamahalin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.’ Wala nang utos na mas mahalaga pa sa mga ito.”

Kaya sinabi ng guro ng Batas: “Mabuti, Guro, totoo ang sinabi mong isa Siya at wala na maliban sa kanya. At ang mahalin siya nang buong puso at nang buong kaluluwa at nang buong lakas, at mahalin din ang kapwa gaya ng sarili ay mas mahalaga kaysa mga sinunog na handog at mga alay.” Nakita ni Hesus na tama ang sinabi nito kaya sinabi niya: “Hindi ka malayo sa Kaharian ng Diyos.” At wala nang nangahas magtanong sa kanya.

Pagninilay:

Mula po sa panulat ni Fr. Albert Garong ng Society of St. Paul ang pagninilay. Sa Mabuting Balita ngayon, sinabi ni Jesus sa isang eskriba: “Hindi ka malayo sa kaharian ng Diyos.” Sa unang dinig, parang papuri iyon. Kung tayo ang sinabihan niyan, baka ngumiti tayo at sabihing, “Buti naman, malapit na pala.” Pero kapag pinag-isipan natin nang mas mabuti, hindi kaya isa iyong babala? Kasi iba ang malayo sa nasa loob. Hindi porke’t malapit ka ay kabilang ka na. Ang eskriba ay matalino. Tama ang sagot niya. Naiintindihan niya na ang pinakamahalaga ay mahalin ang Diyos nang buong puso, buong kaluluwa, buong pag-iisip, at buong lakas, at mahalin ang kapwa tulad ng sarili. Tama ang kanyang pag-intindi. Pero ang pananampalataya ay hindi lang sa tamang sagot. Ito ay tungkol sa buong pagsunod sa kanya.

Parang pumunta ka sa concert pero hanggang gate ka lang. Naririnig mo ang tugtog, ramdam mo ang sigla, pero hindi ka talaga nakisali. Parang ‘pag sinabi mong nag-swimming kayo. Buong araw ka ngang nasa resort, kumain sa tabi ng pool, nag videoke hanggang mapaos, pero ni hindi ka naman talaga lumublob man lang. Ganito rin minsan ang pananampalataya natin—naririnig ang Salita ng Diyos, naiintindihan ang utos ng pag-ibig, pero hindi tuluyang lumulubog sa tiwala at pagsunod.

You cannot have two masters at once. You cannot belong to two kingdoms at once. Pasok ka ba o hindi?  Ang pag-ibig na hinihingi ni Jesus ay hindi bahagya, kundi buo. Walang bahagi ng puso na nakalaan para sa ibang “diyos” – sa sarili, sa ambisyon, sa takot. Kapag sinabi Niyang mahalin ang Diyos nang buong puso, ibig sabihin ay walang reserba. Magandang halimbawa dito ang mga taong tulad ni San Rodrigo. Sa panahon ng pag-uusig, maaari sana siyang manatiling “malapit” lang—Kristiyano sa puso, pero tahimik sa labas. Maaari sana siyang mamuhay nang doble. Pero pinili niyang pumasok nang buo. Pinili niyang mahalin ang Diyos hindi lang sa salita kundi sa katotohanan, kahit ang kapalit ay buhay.

Kaya kapag narinig natin si Jesus na nagsasabing, “Hindi ka malayo,” huwag tayong makuntento. Ang mas mahalagang tanong ay ito: handa ka na bang pumasok? Handa ka na bang ibigay ang lahat? Kapatid/kapanalig, nasaan ka ngayon—malapit sa kaharian, o handang magsabi sa Diyos: “Panginoon, ang buong buhay ko ay sa Iyo”?

  • Fr. Albert Garong, ssp l Society of St. Paul