Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Marso 14, 2026 – Sabado, Ika-3 Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda

Ebanghelyo: Lucas 18:9-14

Sinabi ni Hesus  ang talinhagang ito tungkol sa ilang taong kumbinsido na mabuti sila at minamata naman ang iba: “Dalawang tao ang umakyat sa Templo para manalangin: Pariseo ang isa at publikano naman ang isa pa. Nakatayong nananalanging mag-isa ang Pariseo.

Sinabi niya: ‘O Diyos, salamat at hindi ako gaya ng ibang mga tao, mga magnanakaw, mandaraya, nakikiapid, o gaya ng kolektor ng buwis na iyan. Dalawang beses akong nag-aayuno isang linggo, nagbibigay ako ng ikapu sa lahat kong ari-arian.’ Nasa likuran naman ang kolektor ng buwis at hindi man lang makatingala sa Langit.

Dinadagukan niya ang dibdib sa pagsasabing: ‘O Diyos, kaawaan mo ako na isang makasalanan. ‘Sinasabi ko sa inyo na ito ang umuwing nasa grasya ng Diyos ngunit hindi ang isa. Sapagkat ibababa ang lahat ng nagpapakataas at itataas naman ang nagpapakababa.”

Pagninilay:

Ibinahagi po ni Sr. Aida Adriano ng Daughters of St. Paul ang pagninilay. Mayroong tatlong katanungan na maganda nating pagnilayan. Bakit kaya may mga taong pilit na itinataas ang sarili at hinihilang pababa ang iba? Bakit kaya upang maging maganda ang tingin ng tao sa atin ay pinupulaan naman ang ating kapwa? At bakit upang mapuri ng iba ang mga magaganda nating gawa ay pinipintasan naman ang trabaho o gawain ng ibang tao? Mga kapatid/kapanalig, sa ebanghelyo ngayon dalawang importanteng moral lessons ang itinuturo ni Jesus. Ang kahalagahan ng humility o pagpapakumbaba kaysa sa pagmamayabang; at ang kahalagahan ng pagiging totoo kaysa pagbabalatkayo. Ang Pariseo ay nanalangin ng may pride, dahil siya ay self-righteous at hindi katulad ng iba kagaya ng tax collector sa tabi niya. Hindi lamang siya sumusunod sa mga utos at batas ng Diyos kundi nilalagpasan pa niya ang pagtupad dito. Subali’t hindi kaaya-aya ang kanyang panalangin dahil nakaligtaan niya na mas mahalaga kaysa sa batas ang pagkalinga o pagtulong sa kanyang kapwa. Ang tax collector naman ay nanalangin ng may kababaang-loob dahil sa alam niya na makasalanan siya, at kinakailangan niya ng habag ng Diyos. Nais niya ng tunay na kaugnayan sa Diyos at pagtutuwid sa mga mali niyang ginawa. Totoo nga na “Ang Diyos ay tumatanggi sa mga mapagmataas ngunit pinagpapala niya ang mga mapagpakumbaba.”

Ano ang tanda ng tunay na panalangin? Kailangan natin ng pagpapakumbaba dahil tayo ay makasalanan at kailangan natin ang awa, habag at grasya ng Diyos.

Si Jesus ang pag-asa ng ating kaligtasan at siya lamang ang makakapagpatuwid sa atin. Tinitingnan Niya ang ating puso at kung mabuti ang ating puso, magiging mabuti rin ang ating gawa at pakikitungo sa ating kapwa. Manalangin tayo: Panginoon, ipaalaala mo sa akin, kung paano lumakad sa harap mo sa katotohanan at may dalisay na puso, at gumawa ng mabuti sa iyong paningin. Amen. 

  •  Sr. Aida Adriano, fsp l Daughters of St. Paul