Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Marso 16, 2026 – Lunes, Ika-4 na Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda

Ebanghelyo: Juan 4:43-54

Umalis si Hesus pa-Galilea. Nagpatotoo nga si Hesus na hindi pinararangalan ang isang propeta sa sariling bayan. Gayon pa man, pagdating niya sa Galilea, tinanggap siya ng mga Galileo dahil nasaksihan nila ang lahat ng ginawa niya sa Piyesta sa Jerusalem. Naroon nga mismo sila sa Piyesta. Pumunta siyang muli sa Kana ng Galilea, doon niya ginawang alak ang tubig.

 At nangyari, na ang anak na lalaki ng isang opisyal ng hari ay maysakit sa Capernaum. Nang marinig niya na dumating sa Galilea si Hesus mula sa Judea, pinuntahan niya siya at ipinakiusap na lumusong s’ya at pagalingin ang kanyang anak na nasa bingit ng kamatayan. Kaya’t sinabi ni Hesus tungkol sa kanya: “Hangga’t hindi kayo nakakakita ng mga tanda at mga kababalaghan, hindi kayo maniniwala.”

Sinabi naman sa kanya ng opisyal: “Ginoo, lumusong ka bago mamatay ang anak ko.” At sinabi sa kanya ni Hesus: “Umuwi ka na. Buhay ang anak mo.” Nananalig ang tao sa salitang sinabi sa kanya ni Hesus at umuwi siya. Nang palusong na siya, sinalubong siya ng kanyang mga alipin at sinabing buhay ang anak niya. Inalam niya mula sa kanila kung anong oras siya gumaling at sinabi nila: “Kahapon po nang ala-una siya inibsan ng lagnat.”

Kaya nalaman ng ama na ito ang oras nang sabihin ni Hesus: “Buhay ang anak mo.” At naniwala siya pati ang buo niyang sambahayan. Ginawa ni Hesus ang ikalawang tandang ito pagdating niya sa Galilea mula sa Judea.

Pagninilay:

Mula po sa panulat ni Sr. Lourdes Ranara ng Daughters of St. Paul ang pagninilay. Kapatid/kapanalig, ano ba ang pananampalataya para sa iyo? Kasama ka rin ba sa nagsasabing, to see is to believe? Binibigyan tayo ng Mabuting Balita ngayon ng isang larawan kung ano at paano sumampalataya sa Diyos. Narining natin na may isang royal official na lumapit kay Jesus at humingi ng tulong para sa kanyang anak na maysakit. Sa halip na sumama sa kanya si Jesus ay sinabihan na lamang itong umuwi na at buhay ang kanyang anak. Siguro kung sa iba ito ginawa ni Jesus, magagalit na o magtatampo at iisiping binalewala lamang ni Jesus ang kanyang kahilingan. Subalit naniwala ang royal official kahit hindi pa niya nakikita na ligtas na sa kamatayan ang kanyang anak. Kapatid/kapanalig, ito ang tunay na larawan ng pananampalataya. Sabi nga sa Sulat sa mga Hebreo 11:1, “Ang pananampalataya ay saligan ng mga bagay na hinihintay, katibayan ng mga bagay na di nakikita”. Taliwas ito sa motto ng ilan sa atin na “to see is to believe”. Sa ating buhay pananampalataya, kailangang maniwala muna kung nais nating makasaksi ng himala. Dito nasusubok ang ating pananampalataya. Kaya ba nating magtiwala sa Diyos kahit hindi pa natin nakikita ang Liwanag?

Marahil narinig na ninyo ang kwento tungkol sa isang nahulog sa bangin at nakakapit lamang sa isang sanga ng kahoy. Tumawag siya sa Diyos sa gitna ng dilim ng paligid at humingi ng tulong. May narinig siyang tinig na ang sabi, “Anak, bumitiw ka na at hindi ka masasaktan”. Dahil takot mabalian, nanatili syang nakakapit sa sanga hanggang magliwanag. Doon lamang niya nakita na isang dangkal na lang pala ang layo ng paa nya sa lupa. Kung ikaw ‘yon kapatid/kapanalig, bibitiw ka ba o mananatili ka ring nakakapit?

  • Sr. Lourdes Ranara, fsp l Daughters of St. Paul