Ebanghelyo: Juan 5:1-16
Pagkatapos nito, may piyesta ng mga Judio at umahon si Hesus pa-Jerusalem. May isang paliguan sa Jerusalem na kung tawagin sa Hebreo’y Betsata, na malapit sa Pintuan ng mga Tupa. May limang pasilyo ito na may bubong. Nakahandusay sa mga ito ang isang pulutong ng mga maysakit, mga bulag, mga pilay at mga lumpo na naghihintay sa pagkilos ng tubig.
Naroon ang isang taong talumpo’t walong taon ng may sakit. Nakita ni Hesus ang taong ito na nakahandusay at alam niya na matagal na ito roon. Kaya sinabi niya sa kanya: “Gusto mo bang umigi?” Sumagot sa kanya ang maysakit: “Ginoo, wala akong taong makapaghahagis sa akin sa paliguan kapag nakalawkaw na ang tubig.
Habang paroon ako, lumulusong na ang iba at nauuna sa akin.” Sinabi sa kanya ni Hesus: “Bumangon ka, buhatin mo ang iyong higaan at lumakad!” At dagling umigi ang tao, binuhat niya ang kanyang higaan at lumakad. Araw ng Pahinga ang araw na iyon. Kaya sinabi ng mga Judio sa taong pinagaling: “Araw ng Pahinga ngayon at di ipinahihintulot na buhatin mo ang iyong higaan.
Sumagot siya sa kanila: “Ang nagpaigi sa akin ang siyang nagsabi sa akin: ‘Buhatin mo ang iyong higaan at lumakad ka.’” Tinanong nila siya: “Sino ang nagsabi sa iyong: Magbuhat ka nito at maglakad?” Ngunit hindi alam ng pinagaling kung sino siya, sapagkat nakaalis na si Hesus dahil maraming tao sa lugar na iyon. Pagkatapos nito natagpuan siya ni Hesus sa Templo at sinabi niya sa kanya: “Tingnan mo, maigi ka na.
Huwag ka nang magkasala pa, at baka may masahol pang mangyari sa iyo.” Umalis ang tao at ipinahayag sa mga Judio na si Hesus ang nagpaigi sa kanya. Dahil dito, inusig ng mga Judio si Hesus sapagkat Araw ng Pahinga niya ito ginawa.
Pagninilay:
Ibinahagi po ni Sr. Joy Ingrid Montes ng Daughters of St. Paul ang pagninilay. Umabot ka na ba sa punto na gusto mo nang sumuko at nawalan ka na ng pag-asa? Sa Ebanghelyo ngayon, narinig natin ang isang paralitikong tatlumpu’t walong taon nang may sakit. Naghihintay siya at umaasa na gagaling siya. Ngunit walang taong gustong tumulong sa kanya para buhatin at dalhin siya sa bukal. Kung tayo ang nasa kalagayan niya, ano kaya ang mararamdaman natin? Hindi lang nagpadala ang Panginoon ng tulong. Siya mismo ang lumapit sa paralitiko at sa mga may sakit. Ramdam ng Panginoon ang ating paghihirap at alam niya ang ating pinagdadaanan. Maraming taong maysakit ngunit wala silang pambili ng gamot o di kaya’y wala man lamang tumutulong at nagmamalasakit sa kanila.
Naalala ko ang isa naming madre na kahit may sakit at hirap na siya, nakangiti pa rin lagi at hindi nakakalimot sa aming mga batang madre. Ramdam ko ang kabaitan at pagmamahal niya sa amin, na kahit sa simpleng ngiti at pangungumusta ay naipadama niya ang kanyang pagmamalasakit sa amin. Sa simpleng gesture at mga salita naipadama at naibahagi niya ang pag-ibig sa kapwa. Manalangin tayo: Panginoon, maraming salamat sa iyong pagmamahal at habag. Maraming beses man kaming nawawalan ng pag-asa at kung minsan ay napapagod at gusto nang sumuko, palagi kang nariyan; hindi ka napapagod at hindi mo kami sinusukuan. Patibayin n’yo po ang aming loob upang patuloy kaming lumaban at harapin ang mga hamon ng buhay. Gamitin mo kaming instrumento sa pagtulong sa aming kapwa lalo na sa mga maysakit, matatanda at nahihirapan. Gabayan n’yo po kami upang mamuhay kami na puno ng pag-ibig, tiwala at pag-asa. Amen.
- Sr. Joy Ingrid Montes,fsp l Daughters of St. Paul