Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Marso 18, 2026 – Miyerkules, Ika-4 na Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda

Ebanghelyo: Juan 5:17-30

Sumagot si Hesus  sa mga Judio: “Kumikilos pa rin ang aking Ama kaya kumikilos din ako.” Kayat lalo pa ring hinangad ng mga Judio na patayin siya dahil dito,  sapagkat hindi lamang niya nilalabag ang Araw ng Pahinga, kundi sariling Ama pa ang tawag niya sa Diyos, at ipinapantay niya ang sarili sa Diyos.

Kaya sumagot si Hesus  at sinabi sa kanila: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, hindi makagagawa ng anuman ang Anak mula sa kanyang sarili maliban sa nakikita niyang ginagawa ng Ama. Anuman ang gawin niya, paganoon din ang paggawa ng Anak. Sapagkat mahal ng Ama ang Anak, at itinuro niya sa kanya ang lahat niyang ginagawa.

At mas mahalaga pang mga kilos ang ituturo niya kayat magtataka kayo. Ibinabangon nga ng Ama ang mga patay at nagbibigay-buhay siya; gayundin naman binubuhay ng Anak ang sinumang loobin niya. At hindi nga hinahatulan ng Ama ang sinuman, kundi ibinigay niya ang buong paghatol sa Anak, upang parangalan ng lahat ang Anak gaya ng pagpaparangal nila sa Ama.

 Ang hindi nagpaparangal sa Anak ay hindi nagpaparangal sa Amang nag-sugo sa kanya. Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo na may buhay na walang hanggan ang nakikinig sa salita ko at naniniwala sa nagsugo sa akin. Nakatawid na siya mula sa kamatayan tungo sa buhay, at hindi siya humahantong sa paghuhukom.

Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo na dumarating na ang oras, at ngayon na nga, kaya’t maririnig ng mga patay ang tinig ng Anak ng Tao at mabubuhay ang mga nakaririnig. May Buhay ang Ama sa kanyang sarili, gayundin naman ibinigay niya sa Anak na magkaroon ng buhay sa kanyang sarili.

At ibinigay din niya sa kanya ang kapangyarihang maghukom, sapagkat anak siya ng tao. Huwag ninyo itong pagtakhan: dumarating ang oras na maririnig ng lahat ng nasa libingan ang tinig niya at maglalabasan sila: papunta sa pagbangon sa buhay ang mga gumawa ng mabuti, at sa pagbangon naman sa kapahamakan papunta ang mga gumawa ng masama.

Wala akong magagawa sa ganang sarili. Naghuhukom ako ayon sa aking naririnig. At matuwid ang paghuhukom ko sapagkat hindi sariling kalooban ang hinahanap ko kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin.

Pagninilay:

Ibinahagi po ni Sr. Deedee Alarcon ng Daughters of St. Paul ang pagninilay. Sa gitna ng pagtutol at paghusga ng mga tao, ipinahayag ni Jesus ang isang katotohanang hindi madaling tanggapin: ganap na nakaugat sa Ama ang Kanyang buhay. “Ang aking Ama ay patuloy sa Kanyang gawain… at gayundin ako.” Hindi tumitigil magmahal, magpagaling, at magbigay-buhay si Jesus — kahit sa mga araw na napapagod tayo, nagkakamali, o nawawalan ng pag-asa.

Sabi ni Jesus: “Wala akong magagawa sa aking sarili lamang.” Nakakagulat ito, dahil Siya ang Anak ng Diyos. Pero dito natin nakikita ang kapangyarihan ng tunay na ugnayan, ng isang pusong marunong makinig at sumunod. Hindi nagmumula sa paggiit ng sarili ang kapangyarihan ni Jesus, kundi sa pakikiisa sa kalooban ng Ama.

Marami ang napapagod o pagod na dahil pinipilit nilang kontrolin ang lahat: ang buhay, kinabukasan, relasyon, tagumpay. Paanyaya sa ibang paraan ng pamumuhay ang Mabuting Balita ngayon: magtiwala, manalig. Kapag hinayaan nating gabayan tayo ni Jesus, mararanasan natin ang buhay na hindi kayang ibigay ng mundo.

Napakalalim ng pangako ni Jesus: “Ang nakikinig sa aking salita at sumasampalataya… ay may buhay na walang hanggan.” Hindi ito pangako para sa hinaharap lamang kundi buhay na nagsisimula ngayon: buhay na malaya sa takot, sa walang katapusang paghuhusga sa sarili, at sa bigat ng kasalanan.

At sinabi rin ni Jesus: “Darating ang oras—at ngayon na nga.” Patuloy na tumatawag ang tinig ni Jesus, patuloy na bumubuhay ng mga pusong patay na sa pag-asa, pag-ibig, at pananampalataya. Mga kapatid/kapanalig, nakikinig po ba tayo? Nawa’y piliin nating makinig at sumunod. Tumawid tayo mula sa takot patungo sa tiwala, mula sa kamatayan patungo sa tunay na buhay na walang hanggang handog ni Jesus.

  • Sr. Deedee Alarcon, fsp l Daughters of St. Paul