Ebanghelyo: Mateo 1:16, 18-21, 24
Si Jacob ang ama ni Jose—ang asawa ni Maria na siyang pinagmulan ni Hesus na tinawag na Kristo. Ito ang pangyayaring napapaloob sa kapanganakan ni Hesukristo. Ipinagkasundo na kay Jose ang kanyang inang si Maria pero bago sila nagsama bilang mag-asawa, nagdalantao na siya gawa ng Espiritu Santo.
Kaya binalak ni Jose na hiwalayan nang lihim ang kanyang asawa. Matuwid nga siya at ayaw niya itong mapahiya. Habang iniisip-isip niya ito, nagpakita sa kanya sa panaginip ang Anghel ng Panginoon at sinabi: “Jose, anak ni David, huwag kang matakot na tanggapin si Maria bilang iyong asawa.
Gawa ng Espiritu Santo kaya siya naglihi, at manganganak siya ng isang sanggol na lalaki, na pangangalanan mong Hesus sapagkat siya ang magliligtas sa kanyang sambayanan mula sa kanyang kasalanan.” Kaya pagkagising ni Jose, ginawa niya ang sinabi ng Anghel ng Panginoon at tinanggap niya ang kanyang asawa.
Pagninilay:
Ibinahagi po ni Fr. Keiv Dimatatac ng Society of St. Paul ang pagninilay ngayon. What is your dream? Sa Tagalog may dalawang salin ang salitang dream, maaring panaginip o pangarap. Magkagayun pa man parehas na tumutukoy ito sa isang malayong realidad. Kaya minsan agad tayong sumusuko o hindi na natin inaasam na magkatotoo pa ang isang panaginip.
Subalit noong bumista dito sa Pilipinas si Pope Francis, ito ang isa sa mga panalangin niya para sa atin. Sabi niya, may we not lose the capacity to dream. Katulad ng kanyang debosyon sa natutulog na si San Jose, ibinahagi niya kung paanong ipinagkakatiwala niya kay San Jose ang mga bagay na kanyang pinagninilayan, mga bagay na mahirap makamit. At lagi nating tatandaan na may mas higit lagi na pangarap ang Diyos para sa atin.
Marahil may sariling pangarap si San Jose para sa kanyang pamilya. Itaguyod ang pamilya sa payak na pamamaraan na alam niya, bilang isang karpentero. Subalit may ibang pangarap ng Diyos para sa kanya. Hindi lang basta pamilya ang itataguyod niya kundi ang Banal na Pamilya. Isang panaginip na higit pa sa kayang abutin ng kahit anong isipan.
At pagkatapos ng kanyang panaginip, gumising si San Jose at isinabuhay ang panaginip ng Diyos para sa kanya at sa buong sanlibutan, ang kaligtasan ng lahat. Nawa, katulad ni San Jose, tumugon tayo sa inaasam ng Diyos para sa atin nang may kababaang-loob at malinis na puso.
- Fr. Keiv Dimatatac, ssp l Society of St. Paul