Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Marso 21, 2026 – Sabado, Ika-4 na Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda

Ebanghelyo: JUAN 7:40-53

May nagsabi mula sa maraming taong nakarinig sa mga salita ni Hesus: “Totoo ngang ito ang Propeta.” Sinabi naman ng iba: “Ito ang Kristo.” Ngunit itinanong ng iba: “Sa Galilea ba manggagaling ang Kristo? Hindi ba’t sinabi ng Kasulatan, na mula sa binhi ni David ang Kristo?” Kaya nahati ang mga tao dahil sa kanya.

Balak ng ilan sa kanila na dakpin siya ngunit walang nagbuhat ng kamay sa kanya. Kaya bumalik ang mga bantay ng Templo sa mga Punong-pari at mga Pariseo, at sinabi ng mga ito sa kanila: “Bakit hindi n’yo siya dala?” Sumagot ang mga bantay: “Kailanma’y wala pang taong nangusap nang ganito.”

Kaya sinabi ng mga Pariseo sa kanila: “Nalinlang din pala kayo! May mga pinuno ba o Pariseong naniwala sa kanya? Pero ang mga taong ito na hindi alam ang Batas: sila’y isinumpa!” Nagsalita ang isa sa kanila, si Nicodemo.

Siya ang nagpunta kay Hesus noong una. At sinabi niya: “Hinahatulan ba ng ating Batas ang sinuman nang hindi muna siya dinidinig upang alamin ang kanyang ginawa? Sumagot sila sa kanya: “Taga-Galilea ka rin ba? Saliksikin mo nga at tingnan na hindi babangon mula sa Galilea ang Propeta.”  At umuwi ang bawat isa sa kanila.

Pagninilay:

Isinulat po ni Cl Russel Patolot ng Society of St. Paul ang pagninilay. “Masyado kang biased!” Kadalasan, ang puno’t dulo ng ating mga hidwaan sa ating mga “paboritong tao” – mga nakakainis na katrabaho, ang tsismosong kapitbahay, o isang ‘di-kasundong kamag-anak – ay ang ating katigasan ng puso na tratuhin sila bilang ating kapwa. Ang ating mga pagkiling laban sa kanila ang mas nangingibabaw kaya malabong magkaroon ng anumang tunay na pakikipagdaupang-palad. Dahil bago pa man sila magsalita, buo na ang ating opinyon tungkol sa kanilang pagkatao: “Hindi na magbabago yan,” o “Noon pa ma’y ganyan na siya.”

Sa tagpo ng Mabuting Balita ngayon, lantaran na ang pagkiling ng mga punong pari at mga Pariseo laban kay Hesus. Ngunit may iisang tinig na bukás sa pakikipagdayalogo – si Nicodemo – sapagkat ang kanyang pagkakakilala kay Hesus ay personal at hindi batay sa tsismis, sabi-sabi o haka-haka. Kahit na pasok ang lahat ng credentials ni Hesus bilang Mesiyas – isinilang sa Betlehem at mula sa lipi ni Haring David – hindi nila kinilala si Hesus dahil sa kanilang matigas na pagkiling na pinalala pa ng kanilang kawalang-pananalig at katigasan ng puso na siyang hadlang sa anumang tunay na pakikipagkapwa-tao.  

Mga kapatid/kapanalig, kung ang Diyos mismo ay kumampi sa atin na mga makasalanan, ano ang ating karapatang mamalagi sa ating mga maling pagkiling sa isa’t isa? Ngayong napipinto na ang panahon ng Pagpapakasakit ng Panginoon, hilingin natin ang biyayang maging mas tunay at mas tapat sa ating mga araw-araw na pakikipagdaupang-palad. Tanging sa pagpili nating umibig at kahandaang masaktan alang-alang sa pag-ibig natin mababanaag ang Diyos na sa krus ay inulos upang mapagtipo’t mapag-isa tayong lubos.

  • Cl Russel Patolot, ssp l Society of St. Paul