Ebanghelyo: Juan 11:1-45
Pagdating ni Hesus, apat na araw na palang nakalibing si Lazaro. sinabi ni Marta kay Hesus, “Panginoon, kung naririto ka, hindi sana namatay ang kapatid ko. Subalit kahit na ngayong, alam kong anumang hilingin mo sa Diyos ibibigay ito sa iyo ng Diyos.” Sinabi sa kanya ni Hesus: “Babangon ang kapatid mo.” Sumagot sa kanya si Marta: “Alam ko na babangon siya sa muling pagkabuhay sa huling araw.
Sinabi sa kanya ni Hesus: “Ako ang muling pagkabuhay (at ang buhay!) Mabubuhay ang naniniwala sa akin kahit na siya ay mamatay. Hinding-hindi mamamatay ang bawat nabubuhay sa paniniwala sa akin.” Nabagabag ang loob ni Hesus at nagpunta siya sa libingan. Isang yungib yon, at may batong nakatakip doon. Kaya sinabi ni Hesus: “Alisin ninyo ang bato.”
Sinabi sa kanya ni Martang kapatid ng yumao: “Panginoon, nangangamoy na siya sapagkat apat na araw na.” Sinabi sa kanya ni Hesus: “Hindi ba sinabi ko sa iyo, na kung maniniwala ka, masasaksihan mo ang kaluwalhatian ng Diyos?”At inalis nila ang bato. Tumingala naman si Hesus at sinabi: “Ama, pinasasalamatan kita sapagkat dininig mo ako.
Alam ko na lagi mo akong dinidinig, subalit dahil sa mga taong nakapaligid ako nangusap upang maniwala sila na ikaw ang nagsugo sa akin.” Pagkasabi niya nito, sumigaw siya ng buong lakas: “Lazaro, halika sa labas!” Lumabas ang namatay na natatalian ang mga paa at kamay ng telang panglibing, at napupuluputan din ang mukha niya.
At sinabi sa kanila ni Hesus: “Kalagan ninyo siya at bayaan siyang lumakad.”Kaya marami sa mga Judio na sumama kay Maria at nakasaksi sa ginawa ni Hesus ay naniwala sa kanya.
Pagninilay:
Isinulat po ni Fr. JK Maleficiar ng Society of St. Paul ang ating pagninilay. Naaalala mo pa ba kung kailan ka huling umiyak? Ano ang naging dahilan ng iyong mga luha? Sa Ebanghelyo ngayon, ramdam natin ang makataong mukha ng Diyos. Umiyak si Hesus sa harap ng puntod ng Kanyang kaibigang si Lazaro. Sa panahon ngayon, marami ang nabubuhay sa kadiliman—tila ba nakalibing sa isang puntod. Kapatid/kapanalig, kung ganito ang iyong nararamdaman, kasama mo ang Diyos. Umiiyak Siya tulad ng isang tapat na kaibigan. Umiiyak rin ang Diyos kapag nasisira ang mga relasyon. Umiiyak Siya kapag ang ugnayan natin bilang magkakaibigan, magkakapatid, o bilang pamilya ay nasisira dahil sa galit. Umiiyak si Hesus kapag ang isang relasyon ay winasak ng pagtataksil. Umiiyak ang Diyos kapag ang isang relasyon ay namatay dahil sa kayabangan at pagmamalaki.
Kaya, kung nararamdaman mo ang kadiliman ngayon, tandaan mo: hindi ka nakalibing sa isang puntod; hindi ka nag-iisa. Sa halip, nararanasan mo ang kadilimang ito bilang bahagi ng paglago. Ang sakit, lungkot, at bigat na nararamdaman mo ay parang pataba – makakatulong ito upang lumago at mamunga sa iyong buhay at pananampalataya. Amen.
- Fr. JK Maleficiar, ssp l Society of St. Paul