Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Marso 23, 2026 – Lunes, Ika-5 Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda

Ebanghelyo: Juan 8, 1-11

Pumunta si Hesus sa Bundok ng mga Olibo. Maaga siyang muli sa Templo, at naglapitan sa kanya ang lahat ng tao, at pagkaupo niya, nagaral siya sa kanila. Dinala naman ng mga guro ng Batas at ng mga Pariseo ang isang babae, na huling-huli sa pakikiapid. Pinatayo nila siya sa gitna, at sinabi kay Hesus: “Guro, huling-huli ang babaeng ito sa pakikiapid.

Iniutos sa amin ni Moises sa Batas na batuhin ang mga ganitong babae; ano naman ang sabi mo?” Sinabi nila ito bilang pagsubok sa kanya upang may maisakdal sila laban sa kanya. Yumuko naman si Hesus at nagsulat sa lupa gamit ang kanyang mga daliri. Nang magpatuloy sila sa pagtatanong sa kanya, tumindig siya at sinabi sa kanila: “Ang walang sala ang unang bumato sa kanya.”

At muli siyang yumuko at nagsulat sa lupa. Ang mga nakarinig naman ay isa-isang nag-alisan magmula sa matatanda, at siya’y naiwang mag-isa pati na ang babae na nasa gitna. Tumindig si Hesus , at sinabi sa kanya, “Babae, nasaan na sila? May humatol ba isa iyo?” At sumagot siya: “Wala, Panginoon.” Sinabi ni Hesus: “Hindi rin kita hahatulan. Humayo ka at mula ngayon, huwag ka nang magkasala pa.”

Pagninilay:

Ibinahagi po ni Sr. Aida Adriano ng Daughters of St. Paul ang pagninilay. Sa ebanghelyo ngayon, ginamit ng mga Pariseo ang batas sa babaeng nahuling nangalunya upang mahulog sa patibong si Hesus. Subali’t ginamit ni Hesus ang situasyong ito upang ituro na ang awa ng Diyos ay mas mahalaga kaysa legalistikong pagpaparusa. Ipinaaala-ala sa atin ni Hesus na huwag tayong mapaghusga dahil walang sinuman ang may karapatang batuhin ng bato ang ating kapwa. Walang lugar para sa paghatol sa buhay ng isang Kristiyano. Hindi iyon ang ating tungkulin. Ang ating tungkulin ay ipakita sa iba ang pagmamahal at habag ni Jesus sa lahat ng ating sinasabi at ginagawa. Sa ating karanasan, nakagawa rin tayo ng malaking pagkakamali o kasalanan. Na tila ba walang kapatawaran. Lahat tayo ay nakakaalam kung gaano kaganda ang pakiramdam kapag pinatawad tayo sa isang bagay na nagawa nating mali. Kung mas malaki ang kasalanan, mas malaki ang ginhawang nararamdaman natin kapag ang kasalanang iyon ay pinatawad. Ang kuwento ng babaeng nangalunya ay nagpapakita sa atin ng hindi kapani-paniwalang kapatawaran at habag na mayroon si Jesus. Bilang Kanyang mga alagad, dapat tayong matuto sa Kanyang halimbawa at ipakita sa ating kapwa ang kapatawaran at habag na ibinibigay sa atin ni Hesus. Hindi Nya kinunsiti ang babaeng nangalunya bagkus ay nag-alay si Hesus ng bagong direction at bagong buhay, “Humayo ka at huwag ka nang magkasala.” Ito rin ang kanyang hamon sa atin, panibagong simula. Panalangin: Panginoon, turuan mo akong magbalik-loob sa Iyo at mamuhay ng tapat ayon sa kalooban mo. Amen.

  • Sr. Aida Adriano, fsp l Daughters of St. Paul