Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Marso 24, 2026 – Martes, Ika-5 Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda

Ebanghelyo: Juan 8:21-30

Sinabi ni Hesus sa mga Pariseo: “Aalis ako at hahanapin n’yo ako, at sa inyong mga kasalanan kayo mananatili hanggang mamatay. Hindi nga kayo makaparoroon kung saan ako pupunta.” Kaya sinabi ng mga Judio: “Bakit kaya niya sinabing ‘Kung saan ako pupunta, hindi kayo makakaparoon?’ Magpapakamatay kaya siya?” At sinabi ni Hesus sa kanila: “Mula kayo sa ibaba; mula naman ako sa itaas.

Kayo’y mula sa mundong ito; hindi ako mula sa mundong ito. Kaya sinabi ko sa inyo na sa inyong mga kasalanan kayo mananatili hanggang mamatay. Mamamatay nga kayong taglay ang mga kasalanan n’yo kung hindi kayo maniniwala na Ako Siya.” At sinabi nila sa kanya: “Sino ka ba?” Sinabi naman sa kanila ni Hesus: “Sinabi ko na sa inyo noon pa. Marami akong masasabi at mahuhukuman tungkol sa inyo.

Totoo nga ang nagsugo sa akin; at ang narinig ko mula sa kanya- ito ang binibigkas ko sa mundo.” Hindi nila naintindihan na ang Ama ang tinutukoy niya. At sinabi ni Hesus: “Kapag inyong itinaas ang Anak ng Tao, matatalos n’yo na Ako Siya at wala akong ginagawa sa ganang sarili kundi ayon sa iniaral sa akin ng Ama, ito ang aking binibigkas.

Kasama ko nga ang nagsugo sa akin at hindi niya ako binabayaang nag-iisa sapagkat lagi kong ginagawa ang kalugud-lugod sa kanya.” Nang sabihin ito ni Hesus, marami ang naniwala sa kanya.

Pagninilay:

Mula po sa panulat ni Sr. Vangie Canag ng Daughters of St. Paul ang ating pagninilay. “Kung hindi kayo maniniwala na ako Siya, mamamatay kayo sa inyong mga kasalanan.”

Napakatindi nitong mga salita ni Jesus. Parang nakakatakot. Pero, sa totoo lang ito’y mga salita ng labis na pagmamahal. Katulad ng isang ina na nagbabala sa anak na lasenggo: “Pag hindi ka huminto sa paglalasing, hindi ka tatagal sa mundong ito.” Si Jesus, ang Anak ng Diyos na naging tao, ay bumaba sa lupa at nagdala ng kaligtasan. Pero ang ibig maligtas ay kailangang maniwala sa kanya. Hindi si Jesus naunawaan ng mga Hudyo, dahil ayaw nilang umunawa. Sarado ang kanilang puso’t diwa. Sa panahon natin ngayon, marami pa rin ang ayaw maniwala kay Jesus. Mga atheist? Yes, at mga binyagan na namumuhay na parang walang Diyos. Ang masidhing panawagan ni Jesus sa mga Hudyo na maniwala sa kanya ay inuulit niya ngayon sa atin. Lalo na ngayong panahon ng kwaresma. Tinatawagan niya tayong buksan ang ating puso: maniwala, magsisi, magbagong-buhay, manalangin at mag-alay ng sakripisyo hindi lamang para sa sarili kundi para sa lahat. Gayon na lamang ang pagnanais ni Jesus na ang lahat ay maligtas. Kaya’t nagtiis siya at mamatay para sa atin upang maisama tayo sa ligayang walang hanggan. Suriin natin ang ating sarili: nakikita ba sa aking pamumuhay ang aking pananampalataya kay Jesus? Sinisikap ko bang hikayatin ang iba na maniwala at manalig sa kanya?

Manalangin tayo: Panginoong Jesus, paigtingin mo po ang aming pananampalataya upang maibahagi namin ito sa iba at magbunga ng kabutihan, magpalaganap ng kapayapaan at pagmamahalan. Amen.

  • Sr. Vangie Canag,fsp l Daughters of St. Paul