Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Marso 25, 2026 – Miyerkules, Ika-5 Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda

Ebanghelyo: Lucas 1:26-38

Nang ikaanim na buwan, ang Anghel na si Gabriel ay inutusan ng Diyos sa isang lunsod ng Galilea na tinatawag na Nazaret. Sa isang birhen naidulog na sa isang lalaki sa lahi ni David na ang pangalan ay Jose at ang pangalan ng birhen ay Maria, pag pasok niya sa kinaroroonan ng babae ay sinabi niya. “Aba, puspos ka ng biyaya, Ang Panginoon ay sumasaiyo.” Sa mga pangungusap na ito si Maria ay nagitla.

At pinag dili dili ang kahulugan ng gayong bati. Dapatwa’t sinabi sa kanya ng Anghel: “Huwag kang matakot Maria, sapagkat naging kalugod lugod ka sa mata ng Diyos. Tingni maglilihi ka at manganganak ng isang lalaki na tatawagin mong Hesus. Siya ay magiging dakila at tatawaging Anak ng Kataas-taasan. Ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang luklukan ni David na kanyang Ama.

At maghahari siya sa sambahayan ni Jacob magpakailaman; At walang katapusan ang kanyang kaharian.” Winika ni Maria sa anghel “Paanong mangyayari ito gayong wala akong nakilalang lalaki?” “Bababa sa iyo ang Espiritu Santo at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasan kaya ang ipapanganak ay magiging banal at tatawaging Anak ng Diyos.

At tandaan mo ang kamag anak mong si Isabel ay nag lihi ng isang lalaki, sa kanyang katandaan at yaong tinatawag na baog ay nasa ikaanim na buwan na niya, sapagkat sa Diyos ay walang bagay na di mangyayari. “Narito ang lingkod ng Panginoon, maganap nawa sa akin ang iyong sinabi.” At nilisan siya ng Anghel.

Pagninilay:

Isinulat po ni Fr. Ronel Delos Reyes ng Society of St. Paul ang pagninilay. Paano ba tayo tumutugon sa mga tawag ng Diyos? Agad ba tayong sumasang-ayon, o nauuna ang takot at pag-aalinlangan? Madalas, dumarating ang tawag ng Diyos sa hindi natin inaasahang paraan, sa gitna ng ordinaryong buhay, trabaho, at responsibilidad.

“Ang tawag ng Diyos ay hindi laging malinaw at madali, minsan ito’y nakakagulat at nakakatakot, ngunit hindi Niya hinihingi ang lubos na pag-unawa; ang hinihingi Niya ay pusong handang magtiwala.” Sa Ebanghelyo ngayon, hindi agad “oo” ang tugon ni Maria. May tanong, may takot, ngunit may bukas na puso. At doon kumilos ang Diyos hindi sa pamimilit, kundi sa biyaya. Ang sagot na “Maganap nawa sa akin” ay bunga ng malalim na tiwala. Pagtitiwala kahit hindi malinaw ang lahat. Ganyan din ang ating pananampalataya. Tinatawag tayong magtiwala bago pa natin maintindihan. Sumunod kahit may kaba at pangamba. At ihandog ang sarili sa plano ng Diyos. Panginoon, turuan Mo kaming tumugon sa Iyong tawag. Bigyan Mo kami ng pusong handang magsabi ng “oo,” kahit hindi namin alam ang susunod na hakbang. Amen.

  • Fr. Ronel Delos Reyes, ssp l Society of St. Paul