Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Marso 26, 2026 – Huwebes, Ika-5 Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda

Ebanghelyo: Juan 8:51-59

Sinabi ni Hesus sa mga Judio: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, kung may magsakatuparan ng aking salita, hinding-hindi niya masisilayan ang kamatayan.” Kaya sinabi sa kanya ng mga Judio: “Alam na namin ngayon na may demonyo ka nga. Namatay si Abraham pati ng Mga Propeta, at sinasabi mong ‘Kung may magsasakatuparan ng aking salita, hinding-hindi siya lalasap ng kamatayan.’

Mas dakila ka ba kaysa ninuno naming si Abraham na namatay? Maging ang Mga Propeta ay nangamatay. At sino ka sa akala mo?” Sumagot si Hesus: “Kung ako ang nagmamapuri sa sarili, walang saysay ang papuri ko. Ang aking ama ang pumupuri sa akin, siya na tinuturing n’yo na inyong Diyos. Hindi n’yo siya kilala ngunit kilala ko Siya.

Kung sabihin ko man na hindi ko Siya kilala, magsisinungaling akong tulad n’yo. Ngunit kilala ko siya at isinasakatuparan ko ang kanyang salita. “Si Abraham na inyong ninuno ay nagalak na makikita niya ang araw ng padating ko; nakita nga niya at natuwa.” Kaya winika ng mga Judio sa kanya: “Wala ka pang limampung taon at nakita mo na si Abraham?”

Sinabi sa kanila ni Hesus: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, bago pa man ipinanganak si Abaraham, ako na nga.”Kaya dumampot sila ng mga bato upang ipukol sa kanya. Nagtago naman si Hesus at umalis sa Templo.

Pagninilay:

Isinulat po ni Sr. Deedee Alarcon ng Daughters of St. Paul ang pagninilay. Sinabi ni Jesus: “Ang tumutupad ng aking salita ay hindi mamamatay kailanman.” Matindi, parang imposible. Kaya nga hindi nakapagtatakang tinutulan at hinusgahan si Jesus. Ganyan pa rin ang nangyayari hanggang ngayon. Kapag humahamon sa ating paraan ng pamumuhay ang katotohanan, mas madali itong itanggi kaysa tanggapin.

Hindi naman sinasabi ni Jesus na hindi tayo dadaan sa pisikal na kamatayan. Mas malalim ang tinutukoy Niya: ang buhay na hindi winawasak ng takot, kasalanan, at kawalan ng pag-asa. Maraming taong humihinga pero parang patay sa loob—pagod, galit, sugatan, walang direksyon. Ang salita lamang ni Jesus ang nagbibigay ng buhay na hindi kayang hadlangan at supilin ng anuman dito sa mundo.

Natinag din ang mga Judio sa tanong ng pagkakakilanlan: “Ano ba ang palagay mo sa iyong sarili?” Mga kapatid/kapanalig—sino ba talaga si Jesus sa buhay mo? Isang mabuting guro lang ba? Inspirasyon? O Panginoon na may karapatang magtakda ng direksyon ng iyong buhay?

Ang tugon ni Jesus—“Ako ay Ako Na”— hindi lamang pahayag ng Kanyang pagka-Diyos ngunit paanyaya sa tiwala. Siya ang Diyos noon, ngayon, at magpakailanman. Sa ating pagkapit sa Kanya, hindi tayo nag-iisa sa ating laban.

Hindi lang sa nakikinig ang pangako ng buhay kundi para sa tumutupad ng Kanyang salita. Ang susi? Ang pagsunod kay Jesus. Hindi sapat ang kaalaman; kailangan ang pagsasabuhay nito sa pagpapatawad, katapatan, kababaang-loob, at pagmamahal sa kapwa. Sa ating pagsunod, maaaring hindi tayo maintindihan, at tulad ni Jesus, maaaring pagtawanan, o tanggihan. Pero sa huli, alin ang pipiliin mo: ang panandaliang pagtanggap ng mundo, o ang buhay na walang hanggan na iniaalok ni Jesus?

Mga kapatid/kapanalig, kay Jesus, hindi nagtatapos ang buhay. Sa kanya nagsisimula ito.

  • Sr. Deedee Alarcon, fsp l Daughters of St. Paul