Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Marso 28, 2026 – Sabado, Ika-5 Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda

Ebanghelyo: Juan 11:45-56

Marami sa mga Judiong sumama kay Maria at nakasaksi sa ginawa ni Hesus  ang naniwala sa kanya. Pumunta naman ang ilan sa kanila sa mga Pariseo at sinabi sa kanila ang mga ginawa niya. Kaya tinipon ng mga Punong-pari at ng mga Pariseo ang Mataas na Sanggunian na Sanhedrin, at sinabi: “Ano ba’ng gagawin natin? Marami siyang mga ginagawang tanda.

Kung pababayaan natin siyang paganito, mananalig sa kanya ang lahat at darating ang mga Romano at aalisin  maging ang ating banal na lugar at ang ating bansa.” At isa sa kanila, si Caifas, na Punong-pari sa taong iyon, ang nagwika: “Wala kayong kaalam-alam. Hindi n’yo naiintindihan na makabubuti sa inyo na isang tao ang mamatay alang-alang sa bayan, upang hindi mapahamak ang buong bansa.”

Hindi sa ganang sarili niya sinabi ang mga salitang ito, kundi sa pagiging Punong-pari niya sa taong iyon, sinabi niya ang propesiyang ito: dapat ngang mamatay si Hesus  alang-alang sa bansa, at hindi lamang alang-alang sa bansa kundi upang tipunin pati ang mga nakakalat na anak ng Diyos upang maging isa.

Kaya mula sa araw na iyon, pinagpasyahan nilang patayin siya. Kaya hindi na tahasang naglakad si Hesus  sa lugar ng mga Judio kundi umalis siya mula roon patungo sa lupaing malapit sa ilang, sa isang lunsod na Efraim ang tawag, at doon siya nanatili kasama ng mga alagad.  Malapit na ang Paskuwa ng mga Judio, at umahon ang marami pa-Jerusalem mula sa lalawigan bago mag-Paskuwa upang maglinis ng sarili.

Kaya hinahanap nila si Hesus  at nang nasa Templo sila, sinabi nila sa isa’t isa: “Ano sa palagay ninyo? Paririto kaya siya sa piyesta?” Ibinilin ng mga Punong-pari at ng mga Pariseo na kung may makaalam kung nasaan s’ya ay magsuplong upang maipadakip s’ya.

Pagninilay:

Isinulat po ni Sr. Imelda Samuing ng Daughters of St. Paul ang pagninilay. Naranasan mo na bang magambala ng isang katotohanan?  Anong ginawa mo para protektahan ang iyong kapanatagan? Hinahamon tayo ng Mabuting Balita ngayon na tingnan kung paano tayo tumutugon kapag mahirap tanggapin ang katotohanan, pagbabago o pagkagambala.

Sa pang-araw-araw na buhay, tinatawag tayo na piliin ang katapatan at manindigan sa katotohanan kahit na pagbabayaran natin ito. Maaaring pagsasabi ito ng katotohanan sa trabaho, sa ating mga relationships, o kahit sa ating sarili. Marahil, natatakot tayo sa anumang bago, o mawalan ng control; o ma-reject at mabigo, o ang walang-katiyakang hinaharap. Minsan, hindi natin alam na dahil sa dami ng kinakatakutan natin, nasasaktan na natin ang ibang tao para manatili ang sariling security.

Kailangan nating tanggapin ang takot bilang pagkakataon para sa paglago at hindi isang banta. Mabuting paalalahanan ang ating sarili na magtiwala dahil mas alam ng Diyos ang tamang panahon kaysa sa atin, lalo na kapag tayo ay nababalisa o naiinip na. Siguro, dapat nating tularan ang halimbawang ipinakita sa atin ni Hesus. Pwede namang mag-step back muna at kumilos lamang kapag tamang panahon na. Ang tanong ng mga tao sa ebanghelyo ay “pupunta ba siya sa pista?” Siguro, ganito rin ang gusto nating malaman: “Magpapakita ba si Jesus sa aking mga struggles, sa aking pamilya, sa aking trabaho?” Kapatid/kapanalig, tinatawag tayong maging bukas at matapang upang hanapin ang Diyos sa bawat sitwasyon ng ating buhay. Manalig tayo na lagi natin siyang kasama.

  • Sr. Imelda Samuing,fsp l Daughters of St. Paul