Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Marso 29, 2026 – Linggo ng  Palaspas ng Pagpapakasakit ng Panginoon (A)

Ebanghelyo: Mateo 26:14-27, 66

            Pumunta sa mga Punong-pari ang isa sa Labindalawa, ang tinatawag na Judas Iskariote, at sinabi:  “Magkano ang ibibigay ninyo sa akin kung ibibigay ko siya sa inyo?  Inalok nila ito ng  tatlumpung baryang pilak, at mula noon, naghanap ito ng pagkakataong maipagkanulo siya.

            Sa unang araw ng Piyesta ng Tinapay na Walang Lebadura, lumapit kay Jesus ang mga alagad at sinabi sa kanya:  “Saan mo kami gustong maghanda ng Hapunang Pampaskuwa para sa iyo?”  Sumagot si Jesus:  “Puntahan ninyo ang lalaking ito sa lunsod at sabihin sa kanya:  ‘Sinasabi ng Guro:  malapit na ang oras ko at sa bahay mo ako magdiriwang ng Paskuwa kasama ng aking mga alagad.’ ”

            At ginawa ng mga alagad ang lahat ng iniutos ni Jesus at inihanda ang Paskuwa. 

            Pagkalubog ng araw, nasa hapag si Hesus kasama ng Labindalawa.  Habang kumakain sila, sinabi ni Hesus:  “Talagang sinasabi ko sa inyo:  ipagkakanulo ako ng isa sa inyo.”  Lubha silang nalungkot at nagtanong ang bawat isa:  “Ako ba, Panginoon?”

            Sumagot siya:  “Ang kasabay kong nagsawsaw ng tinapay sa plato ang magkakanulo sa akin.  Patuloy sa kanyang daan ang anak ng Tao ayon sa isinulat tungkol sa kanya ngunit kawawa ang nagkakanulo sa Anak ng Tao; mas mabuti pa para sa taong ito kung hindi na siya ipinanganak pa.”  Nagtanong din si Judas na magkakanulo sa kanya:  “Ako ba, Guro?”  Sumagot si Hesus:  “Ikaw na ang nagsabi.”

Pagninilay:

Isinulat po ni Fr. Albert Garong ng Society of St. Paul ang pagninilay. Sa Misa ngayong linggo ng palaspas, magsisimula tayo sa pagsigaw ng Hosana, sa pagbibigay papuri kay Hesus. Pero ilang sandali lang, pagdating sa pagbasa ng Mabuting Balita, kabaliktaran na ang ating tono: “Ipako Siya sa krus!”

Ang bilis naman magbago! Pero di na ito kagulat-gulat. Alam natin na bilang tao, tayo rin ay madaling nadadala ng emosyon at nababago ang paninindigan. Nag-uumapaw ang saya sa simula, maya-maya malungkot na. Ganado sa umpisa, tamad na sa bandang dulo.

Ito ang puso ng tao. At sa pagiging tao ni Hesus dinanas rin niya ito. Sa darating na huwebes santo, sa Getsemani, dalangin niya:  “Ama, kung maaari, lumampas sa akin ang kalis na ito.” May panginginig din. May bigat din. May sandaling tila gustong umiwas. Ganunpaman, sa kanyang pakikipag-ugnayan sa kanyang Ama, ito ay kanyang nalampasan. Ang pusong may pag-aalinlangan ay naging pusong nagtitiwala. Ang pusong nanginginig ay naging pusong handang sumunod.

Ang Linggo ng Palaspas ay paalala ng karupukan ng ating mga puso bilang tao. Pero paalala rin ito na dalhin natin ang ating marurupok na puso sa Krus ni Hesus.

Hindi tayo pumapasok sa Semana Santa bilang malalakas na alagad, kundi bilang mga taong handang umamin: “Panginoon, madalas akong mag-Hosanna tapos aatras. Magbibigay papuri tapos lalaban.

Ang landas ng linggong ito ay hindi nagtatapos sa krus. Ang pusong dinala ni Jesus hanggang Kalbaryo ay Siya ring pusong bumangon sa umaga ng Pasko ng Pagkabuhay. Kaya’t hindi tayo kailangang magpadala na lang sa kahinaan ng ating puso. Sa piling Niya, ang pusong marupok ay maaaring maging pusong matatag. Ang pusong pabago-bago ay maaaring matutong maninindigan, lumaban, at magtiwala.

Ngayong Linggo ng Palaspas, hindi lang tayo magdadala ng palaspas. Dadalhin natin ang ating buong puso—mahina man, nanginginig man—at hahayaan nating si Kristo ang maghubog nito sa paglalakad natin kasama Niya hanggang krus, at hanggang sa muling pagkabuhay.  

  • Fr. Albert Garong,ssp l Society of St. Paul