Ebanghelyo: Juan 16:12–15
Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: Marami pa sana akong sasabihin sa inyo subalit hindi ninyo mauunawaan ngayon. Darating naman siya, ang Espiritu ng katotohanan, at maghahatid sa inyo ng buong katotohanan.
Wala na siyang sasabihin mula sa ganang sarili kundi ang lahat niyang maririnig ang kanyang bibigkasin at mga bagay na darating ang ibabalita niya sa inyo. Ibabalita niya sa inyo ang tatangapin niya Mula sa akin, at sa gayon niya ako luluwalhatiin. Ang tanang sa Ama ay akin. Dahil dito kaya ko sinabing ‘Mula sa akin siya tatanggap at magbabalita sa inyo.’
Pagninilay:
Takot ka ba sa katotohanan?
May mga katotohanang masakit marinig.
May mga katotohanang ayaw nating harapin.
Kaya minsan, mas pinipili nating umiwas.
Sa Ebanghelyo ngayon, sinabi ni Hesus:
“Marami pa Akong sasabihin sa inyo, ngunit hindi pa ninyo kaya ngayon.”
Ipinapakita nito na marunong maghintay ang Diyos.
Hindi ipinipilit ang katotohanan, kundi inihahayag sa tamang panahon.
Ang Espiritu Santo ang gagabay sa atin sa buong katotohanan.
Hindi upang hatulan tayo, kundi upang iligtas.
Hindi upang saktan, kundi upang pagalingin ang sugatang puso.
Dahan-dahan tayong inaakay ng Diyos pabalik sa Kanya.
At dito natin nakikita ang puso ng isang Ina.
Sa Fatima, ang Mahal na Birhen ay hindi dumating upang manakot,
kundi upang magpaalala, umakay, at maglapit sa atin sa Diyos.
Tulad ng isang ina, tinatawag niya tayong magbalik-loob at manalangin.
Inaanyayahan niya tayong harapin ang katotohanan
hindi mag-isa, kundi kasama siya, patungo kay Hesus.
At magtiwala sa awa ng Diyos na laging handang tumanggap.
Panginoon, alisin Mo ang aming takot sa katotohanan.
Sa piling ng Mahal na Birhen, turuan Mo kaming magtiwala at magbalik-loob.
At sa gabay ng Espiritu Santo, akayin Mo kami sa Iyong liwanag. Amen.
- Fr. Ronel Delos Reyes, ssp l Society of St. Paul