Ebanghelyo: Marcos 11:27-33
Muling dumating sa Jerusalem si Hesus at ang kanyang mga alagad, at paglakad nya sa Templo, nilapitan siya ng mga Punong-pari kasama ang mga guro ng Batas at ang Matatanda ng bayan, at nagtanong: “Ano ang karapatang mong gawin ang mga ito?” Sino nagtalaga sa iyo para gawin ito?”
Sinabi naman ni Hesus: “Tatanungin ko rin kayo nga isang tanong. Sasagutin ninyo ako at sasagutin ko rin kayo kung sino ang nagtalaga sa akin para sa mga ito. Galing ba sa Diyos ang pagbibinyag ni Juan, o sa tao? Sabihin ninyo sa akin.”
At nag-isip-isip sila: “Kung isasagot nating galing sa Diyos, sasabihin niya: ‘Bakit di kayo naniniwala sa kanya?’ at paano naman nating masasabing galing lamang sa tao ang pagbibinyag ni Juan?” Takot nga sila sa bayan dahil tunay na propeta ang palagay ng lahat kay Juan. Kaya sinagot nila kay Hesus: “Hindi namin alam.” At sinabi sa kanila ni Hesus: “Hindi ko rin sasabihin sa inyo kung sino ang nagtalaga sa akin ang gumawa ng mga ito.”
Pagninilay:
Ano ang nagbibigay sa akin ng lakas para maisakatuparan ang aking tungkulin? Ginagamit ko ba ang aking authority sa paglilingkod sa Diyos at kapwa o para sa sarili? Nakakarelate ako sa Mabuting Balita. Tungkol ito sa authority ng ating Hesus Maestro na kinuwestyon ng mga nasa posisyon. Lalo na dahil ito ang ibinigay sa aking tungkulin sa kasalukuyan (bilang superior ng FSP community) sa Naga. Puno ito ng biyaya at the same time, challenging. Pero anupaman, alam kong mula sa Panginoon ang ginagampanan ko ngayon. At nananalig ako na Siya ang aking gabay sa pagpapasya at Siya rin ang kumikilos sa aking kalooban. Na-struck ako sa salitang Latin na “auctor” (ah-uk-tor). Dahilan daw Siya ng pagsibol at paglago, ang tagapagtatag, ang nagsimula. Sino pa ang tunay na auctor, kundi ang ating Diyos na Tagapaglikha? Bukod pa rito Siya ang tunay na may kapangyarihan, ang may karapatang magpasya, mag-atas, ang magbigay-gabay. Kaya kahit hindi ako karapatdapat, sino ako para salungatin Siya? Malinaw sa aking kalooban na Siya ang masusunod. Ako? Isa lamang lingkod. Kaya’t masasabi ko nang may kababaang-loob: hindi tungkol sa akin ang aking tungkulin, kundi tungkol sa Kanya. Patuloy akong maglilingkod, hindi dahil kaya ko, kundi dahil kumikilos Siya sa akin kaya nakakayanan ko.
- Sr. Gemmaria Dela Cruz, fsp l Daughters of St. Paul