Ebanghelyo: Juan 3:16–18
Sinabi ni Hesus kay Nicodemo, “Ganito nga kamahal ng Diyos ang mundo! Kayat ibinigay niya ang kanyang bugtong na anak upang hindi na mawala ang bawat nananalig sa kanya kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.
Hindi nga sinugo ng Diyos sa mundo ang Anak upang hukuman ang mundo kundi upang maligtas ang mundo sa pamamagitan niya. Hindi hinuhukuman ang nananalig sa kanya. Ngunit hinukuman na ang hindi nananalig pagkat hindi siya nananalig sa Ngalan ng bugtong na Anak ng Diyos.”
Pagninilay:
Aminin natin, likas sa atin ang pagiging praktikal—lalo na pagdating sa pera. Mahilig tayong magtipid. Yung tipong ikukumpara muna ang presyo, maghahanap ng mas mura, o hihintayin pa ang sale bago bumili. Lalo na pag panahon ng krisis, dapat maging wais.
Pero alam din natin na may mga pagkakataon na hindi tayo nagtitipid. Kapag mahalaga ang isang tao, nag-iiba ang kilos ng puso. Hindi mo na iniisip kung makakamura ka ba o kung may mas magandang deal pa. Ang iniisip mo na lang ay kung paano mo maibibigay ang pinakamganda at pinaka-deserve ng iyong minamahal.
Ganito rin ang ipinapakita sa atin ng Mabuting Balita ngayon. “Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya ibinigay Niya ang Kanyang Bugtong na Anak.” Pagdating sa pagmamahal ng Diyos sa atin, hindi niya tayo tinipid. Ang ibinigay Niya ay ang pinakamahalaga—ang Kanyang Anak. At sa Anak na iyon, ibinigay Niya ang Kanyang sarili.
Hindi rin ito dahil naging karapat-dapat tayo. Hindi Niya hinintay na maging maayos muna ang buhay natin bago Siya kumilos. Sa gitna ng ating kahinaan, doon Siya unang nagmahal. Nauna ang Kanyang paglapit, nauna ang Kanyang awa. Kaya siguro minsan, kailangan din nating ayusin ang larawan natin ng Diyos. Madalas iniisip natin na mabilis Siyang humatol o madaling magalit, pero malinaw ang sinabi ni Hesus: hindi Siya isinugo upang hatulan ang mundo, kundi upang iligtas ito.
Dahil dito maganda rin sigurong suriin natin ang ating sariling mga buhay. Sa pagmamahal natin, saan tayo nagtitipid? Sa oras na ibinibigay sa pamilya, sa pasensya sa mga mahirap intindihin, sa pagpapatawad na ipinagpapaliban natin? Madalas gusto nating sukatin ang ibinibigay natin—hanggang kaya lang, hanggang komportable lang. Pero ang pag-ibig ng Diyos sa atin ay hindi ganon. Hindi sinusukat, hindi tinipid, ibinigay nang buo.
Kapatid, kung ang Diyos ay nagmahal sa’yo nang walang tinira para sa Kanya, baka inaanyayahan ka rin Niyang matutong magmahal nang mas buo—hindi perpekto, pero totoo, at hindi na tinitipid.
- Fr. Albert Garong, ssp l Society of St. Paul