Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Nobyembre 1, 2026 – Linggo

Ebanghelyo:  Mateo 5:1-12a

Nang makita ni Hesus ang makapal na tao, umahon siya sa bundok. Naupo siya roon at lumapit sa kanya ang mga alagad. At nagsimula siyang magturo sa kanila: β€œMapapalad ang mga may diwa ng dukha sapagkat kanila ang Kaharian ng Langit. Mapapalad ang mga nagluluksa sapagkat pagiginhawain sila. Mapapalad ang mga di marahas sapagkat mapapasakanila ang lupain. Mapapalad ang mga nagugutom at nauuhaw sa katarungan sapagkat bubusugin sila. Mapapalad ang mga maawain sapagkat kaaawan sila. Mapapalad ang mga may busilak na puso sapagkat makikita nila ang Diyos. Mapapalad ang mga nagpupunyagi para sa kapayapaan sapagkat tatawagin silang mga anak ng Diyos. Mapapalad ang mga pinag-uusig dahil sa katarungan sapagkat kanila ang kaharian ng langit. Mapapalad kayo kung iniinsulto kayo at pinag-uusig at sinisiraang-puri dahil sa akin. Magsaya kayo at magalak sapagkat malaki ang gantimpalang nasa Diyos para sa inyo.

Pagninilay:

Ano ba talaga ang ibig sabihin ng pagiging banal? Kailangan ba nating maging perpekto, hindi magkamali, o gumawa ng mga pambihirang bagay upang matawag na banal? Sa Ebanghelyo ng Kapistahan ng mga Santo, ipinapahayag ni Jesus ang mga Pagpapala: mapapalad ang mga dukha sa espiritu, ang mga nahahapis, ang mga mahabagin, at ang mga may malinis na puso.

Mapapansin natin na hindi Niya sinabing mapapalad ang mga perpekto o ang mga taong walang pagkukulang. Sa halip, ipinakita Niya ang landas ng kabanalan sa pamamagitan ng mga taong marunong magtiwala sa Diyos, umunawa sa kapwa, magpatawad, at gumawa ng mabuti.

Minsan, iniisip natin na ang mga santo ay mga taong napakalayo sa ating karanasan. Pero ang mga santo ay mga taong namuhay rin sa mundong puno ng pagsubok, tukso, at paghihirap. Ang kaibahan lang, pinili nilang manatiling tapat sa Diyos sa kabila ng kanilang mga pinagdaraanan. Ganoon din ang hamon sa atin. Hindi kailangang gumawa tayo ng himala upang maging banal. Maaaring magsimula ito sa simpleng pagpapatawad, pagtulong sa nangangailangan, pagiging tapat sa trabaho, o pagpili ng kabutihan kahit walang nakakakita. Dahil ang kabanalan ay hindi lamang tungkol sa pagiging mabuting tao sa harap ng iba, kundi sa pagiging tapat sa Diyos kahit sa mga ordinaryong sandali ng ating buhay.

Kaya ngayong ipinagdiriwang natin ang Araw ng Mga Santo, itanong natin sa ating sarili: Sa araw-araw kong pamumuhay, nagiging mas malapit ba ako sa Diyos at mas nagiging mapagmahal sa kapwa? Sapagkat ang tawag sa kabanalan ay hindi lamang para sa mga santo na ating ginugunita. Paanyaya rin ito sa bawat isa sa atin na mamuhay ayon sa kalooban ng Diyos, hanggang sa makamit natin ang ganap na pakikiisa sa Kanya.

  • Fr. Ronel Delos Reyes, ssp l Society of St. Paul