Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Oktubre 31, 2026 – Sabado

Ebanghelyo: Lucas 14:1, 7-11

Isang Araw ng Pahinga, pumasok si Hesus sa bahay ng isang pinuno ng mga Pariseo para kumain, at minamanmanan naman nila siya. May talinghaga siyang sinabi nang mapuna niyang pinipili ng mga inimbita ang mga unang puwesto: “Kung anyayahan ka sa isang kasalan, huwag kang lumagay sa unang puwesto. Baka may kinumbidang mas importante kaysa sa iyo, at darating ang kumumbida sa inyong dalawa para sabihing ‘ibigay mo sa kanya ang puwestong ito.’ Kaya mapapahiya ka’t pupunta sa huling puwesto. Sa halip, kung anyayahan ka, sa huling puwesto ka pumunta sapagkat pagdating ng kumumbida sa iyo, sasabihin niya sa iyo: ‘Kaibigan, lumapit ka pa.’ Kaya mapararangalan ka sa harap ng lahat ng inanyayahan. Sapagkat ibababa ang lahat ng nagpapakataas at itataas ang nagpapakababa.”

Pagninilay:

Sa Ebanghelyo ngayon, nakakita si Hesus ng mga taong nag-uunahan sa VIP seats para lang magmukhang sikat at importante. Pero pinaalalahanan sila ni Hesus: “Ang nagtataas ng sarili ay ibababa, at ang nagpapakumbaba ay itataas.” Nakikita rin natin ito sa mga balita ngayon tungkol sa maiinit na usapin ng impeachment trial. Lumilitaw na ang daming mga opisyal na nag-aagawan sa pwesto at kumakapit sa kapangyarihan.

Akala ng ilan, hindi na sila magagalaw, pero kapag may pang-aabuso nang ginagawa, nabubunyag ang katotohanan. Sa huli, napapahiya, at ibinababa sila sa pwesto. Ang challenge? Huwag tayong maging clout chaser o maghabol sa kasikatan, o mag-grab ng entitlement, sa kagustuhang maging pabida sa mata ng iba. Hindi mo kailangang mang-apak para lang maging relevant. Ang totoong lodi at tunay na leader sa mata ng

Diyos ay ‘yung marunong magpakababa, may integridad, at handang maglingkod nang

tapat. Kaya sa bahay man, sa school, sa office, o sa trabaho, piliin mong maging humble. Kapag tapat ka at marunong magpakumbaba, hindi ka matatakot na ma-impeach o ibaba ng iba dahil ang Diyos mismo ang mag-aangat sa’yo.

  • Sr. Gemmaria Dela Cruz, fsp l Daughters of St. Paul