Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Nobyembre 3, 2026 – Martes, Ika- 31 na Linggo sa Karaniwang Panahon

Ebanghelyo: Lucas 14:15-24

Sinabi kay Hesus ng isa sa mga inanyayahan: “Mapalad ang mga makakasalo sa bangkete ng Kaharian ng Diyos!” Sumagot si Hesus: “May isang taong naghanda ng isang malaking bangkete at marami siyang kinumbida. Sa oras ng handaan, pinapunta niya ang kanyang katulong para sabihin sa mga imbitado: ‘Tayo na’t handa na ang lahat. Ngunit parang sabay-sabay namang nagdahilan ang lahat. Sinabi ng una. ‘Bumili ako ng bukid at kailangan kong pumunta para tingnan iyon. Pasensya ka na.’ Sinabi naman ng isa. ‘Bumili ako ng limang pares na bakang pang-araro at pasusubukan ko ang mga ito. Pasensya ka na.’ Sinabi ng isa pa: ‘Bagong kasal ako kaya hindi ako makakapunta.’     Pagbalik ng katulong, ibinalita niya ang lahat ng ito sa kanyang panginoon. Galit na galit ang maysambahayanan at sinabi sa kanyang katulong: ‘Pumunta ka agad sa mga liwasan at mga lansangan ng lunsod at papasukin mo rito ang mga dukha, mga balewala, mga bulag at mga pilay.’ At pagkatapos ay sinabi ng katulong: ‘Nagawa na ang ipinag-utos mo at may lugar pa rin.’ Sumagot sa kanya ang panginoon: ‘Lumabas ka sa mga daan at mga bakuran at pilitin mong pumasok ang mga tao para mapuno ang bahay ko.’ Sapagkat sinasabi ko sa inyo: walang sinuman sa mga ginoong iyon na kinumbida ko ang makakatikim ng aking handa.’”           

Pagninilay:

Nakumbida ka na ba minsan sa isang malaking handaan? Hindi ba feeling important ka? Kinilala ka at pinahalagahan! Sa ebanghelyong napakinggan natin, hindi nagpaunlak ang mga kinumbida. Natural lang na masaktan ang nag-imbita. Biro mo, gaano karaming pera, panahon at pagmamahal ang kanyang ginugol sa paghahandang ito! Binalewala lang ng mga imbitado. Naghahanda ang Panginoong Diyos ng isang en grandeng handaan para sa atin. Ano ‘yon? Ang bangkete sa langit kung saan gusto niyang makasalo tayo sa kanyang ligayang walang hanggan. Iniimbita niya ang lahat. Tinatanggap natin ang paanyaya ng Diyos kung namumuhay tayo dito sa lupa ayon sa Kanyang kalooban. Sa totoo lang, merong mga tumatanggap, pero mas marami ang umaayaw.

Sinabi ni Jesus sa ebanghelyo (Mt 7:13) na mas marami ang tumatahak sa maluwag na daan na patungo sa kapahamakan kaysa sa makipot na daan patungo sa kaligtasan. Nag-uumpisa ang bangkete ng Diyos dito sa lupa – sa selebrasyon ng Eukaristiya kung saan binubuhay ni Jesus ang misteryo ng kaligtasan. Ang pagsisimba ay pagpapahayag ng pananampalataya sa Diyos na higit sa lahat; at isang pasasalamat sa mga grasyang tinanggap. Tanungin natin ang ating sarili: Pinahahalagahan ko ba ang araw ng Panginoon, sa pamamagitan ng pagsisimba, pagdalaw sa Santisimo Sakramento, pagbabasa ng Bibliya o mga babasahin na nagpapatingkad ng aking pananampalataya? Hinihikayat ko ba ang aking mga kasambahay na magsimba kung Linggo?

Amang Diyos, palakasin Mo po ang aming debosyon sa Eukaristiya, ang iyong bangkete dito sa lupa upang makasalo Ninyo kami sa walang katapusang bangkete sa langit. Amen.

  • Sr. Vangie Canag, fsp l Daughters of St. Paul