Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Nobyembre 4, 2026 – Miyerkules, Ika- 31 na Linggo sa Karaniwang Panahon

Ebanghelyo: Lucas 14:25-33

Habang naglalakad ang napakaraming tao na kasama ni Hesus, humarap siya sa kanila at sinabi: “Kung may dumating sa akin na di nagtatakwil sa pag-ibig sa kanyang ama at ina, at asawa at mga anak, at mga kapatid na lalaki at babae, maging sa kanyang sarili, hindi siya puwedeng maging alagad ko. At hindi puwedeng maging alagad ko ang di nagpapasan ng kanyang krus sa pagsunod sa akin. “At paano kung may magbalak magtayo ng silungan ng bantay sa bukid? Hindi ba’t uupo muna siya at tatantyahin ang gastos para malaman kung may sapat siya para maipatapos iyon? Sapagkat kung mailagay niya ng pundasyon at hindi naman niya iyon maipatapos, pagtatawanan lamang siya ng lahat: ‘Hayan ang nagsimulang magtayo at hindi na maipatapos.’ “At paano kung may haring nakikipagharap sa ibang hari? Hindi ba’t uupo muna siya para mag-isip kung kaya niya at ng sampung libong kasama niya na harapin ang dumarating na may dalawampung libo? At kung hindi naman, malayo pa ang isa ay magpapadala na siya ng mga sugo para makipag-areglo. Gayon din sa inyo. Hindi puwedeng maging alagad ko ang di tumatalikod sa lahat ng kanya.”

Pagninilay:

Ginugunita natin ngayon si San Carlos Borromeo. Maliban sa galing at tatag ng pagtuturo at pag-gabay sa Simbahan, si San Carlos ay isang pastol at lider. At mula sa ating mga pagbasa sa araw na ito, dalawang bagay ang makikita natin na sagana ang puso ni San Carlos: sagana sa kabutihan, sagana sa pagpapaubaya.

Sagana si San Carlos sa kabutihan ng puso. Sa unang pagbasa, narinig natin ang puso ni San Pablo na hitik sa kabutihan na naisin para mga taga-Filipo na mamuhay ng tapat, laging sumunod sa Diyos, at manindigan sa turo ni Hesus kahit siya man ay malapit ng mamaalam.

Sa kabila ng mga bumabalot na trahedya sa Simbahan, nanaig ang kabuithan ni San Carlos na palaging buksan ang Simbahan para sa mga dukha, ang turo at tinig ng simbahan ay maging pag-ibig, at ang presensiya ni Hesus ay mas lalong maramdaman sa gitna ng dusa.

Ang ikalawang kasaganahan ni San Carlos ay ang kasaganahan ng kanyang pagpapaubaya. Ito ang tawag ni Hesus sa ating Mabuting Balita. Ang iwan ang lahat para lubusan siyang sundan. At siyang ginawa naman ni San Carlos. Silang man sa kayamanan at kapangyarihan, lahat ng ito ay iniwan niya para lubusang maglingkod sa Diyos at sa kapwa.

Saan sagana ang iyong buhay at puso? Si San Carlos, sagana sa kabutihan at pagpapaubaya. At dahil dito, buong puso niyang pinaglingkuran si Hesus at ang kanyang mga kapatid. At hari nawa, bilang may pusong masagana sa kabutihan at pagpapaubaya, ito ang maging sangkap natin sa isang tapat at maligayang paglilingkod sa bawat isa.

  • Fr. Viel Bautista ng Manila Cathedral